Oktubre 9, 2018, Daet, Camarines Norte – Isinagawa sa lalawigan ng Camarines Norte ang Consumer Fun Run nitong nakatalikod na araw ng linggo, Oktubre 7, 2018, bilang pagsisimula (kickoff activity) sa selebrasyon ng Consumer Welfare Month ng Department of Trade and Industry (DTI) na ipinagdiriwang ngayong buwan ng Oktubre.

Ang naturang gawain ay nagsimula sa harapang tanggapan ng DTI sa Central Plaza Complex ng barangay Lag-On at nagtapos sa Bagasbas Pavillion sa bayan ng Daet.

Kabilang sa mga nakiisa sa fun run ang mga consumer, mga kawani ng pamahalaan, mga mag-aaral, Filipino-Chinese Chambers and Industry at Filipino-Chinese Chambers of Commerce ganundin ang Bantayog ng Camarines Norte Konsimidores Inc. at iba pang indibidwal na nakilahok sa naturang gawain.

Ayon kay Gary Rafanan, Public Information Officer ng DTI Camarines Norte, ang naturang gawain ay alinsunod sa Proklamasyon blg. 1098 na ang buwan ng Oktubre ng bawat taon ay ipinagdiriwang ang Consumer Welfare Month upang ipalaganap ang karapatan at ang mga bagay na nakakaapekto sa mga consumer.

Aniya, ang pinakaepektibong pamamaraan ay sa pamamagitan ng Consumer Fun Run kung saan ito ay pangalawang taon nang isinasagawa ng DTI bilang pagkakataon ng mga konsyumer at mga magnenegosyo ganundin ang sektor ng gobyerno para magkaisa at mapalakas ang kanilang kamalayan at karapatan.

Hinihikayat rin ang lahat na makiisa sa naturang selebrasyon at mga gawain kung saan ay maaari silang makipag-ugnayan saan man na tanggapan ng Negosyo Center ng DTI sa mga lokal na pamahalaan sa Camarines Norte.

Samantala, nagbigay naman ng bahagi (sponsor) ang mga business establishment dito na ipinagkaloob sa mga nakilahok sa fun run.

Tema ng selebrasyon ngayong taon ang “Making Digital Marketplaces Fairer”.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News