Oktubre 10, 2018, Daet, Camarines Norte – Hinikayat ng National Food Authority (NFA) ng Camarines Norte ang mga magsasaka dito na magbenta ng kanilang mga palay sa kanilang tanggapan sa barangay Lag-on sa bayan ng Daet.

Ayon kay Remedios V. Dumawal, Provincial Manager ng NFA Camarines Norte na patuloy ang kanilang pamimili ng palay kung saan Php 17.00 ang presyo sa bawat kilo at kailangan na ito ay tuyo na at malinis.

Aniya, maliban pa dito ay mayroong insentibo na matatanggap ang magsasaka sa bawat kilo sakaling dalhin nila ang kanilang palay sa tanggapan ng NFA at depende rin ito sa layo o distansiya ng lugar.

Sa bawat kilo ng palay mula 0 hanggang 10 kilometro ay may insentibo na 20 sentimo, 10-20 kilometro ay tatanggap ng 30 sentimo, 20-30 kilometro ay 40 sentimo samantalang ang mga lalampas sa 30.1 kilometro o mula sa malalayong lugar ay may insentibo naman na 50 sentimo sa bawat kilo.

Ayon pa kay Dumawal, kapag samahan ng mga magsasaka ang magbebenta ng kanila ng palay ay may karagdagang insentibo sa bawat kilo na tinatawag na Cooperative Development Incentive Fee na 30 sentimo.

Upang lubos na mapagsilbihan ang mga magsasaka ng palay sa lalawigan, maaaring magdala sila ng preskong palay na hindi lalampas sa 30 porsiyento ang moisture content dagdag pa ni Dumawal.

Mayroong mga drying facilities ang NFA at handa itong magtuyo ng palay ayon sa kapasidad ng mga grain dryers “on first come first sefve basis”.

Ang NFA buying station ay ang warehouse na matatagpuan sa NFA compound, barangay Lag-on ng bayan ng Daet at bukas mula Lunes hanggang Sabado sa oras na 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Mayroon din ang NFA ng mobile procurement team na magtutungo sa mga nais magbenta ng kanilang mga palay na nasa malalayong lugar sa Camarines Norte.

Kung may mga katanungan, makipag-ugnayan lamang sa NFA o tumawag sa mga numerong NFA Hotline (052) 440-3179; Smart-09997869035 at Globe-09953926518.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News