Oktubre 30, 2018, Daet, Camarines Norte – Pormal nang nanumpa bilang Gobernador ng lalawigan ng Camarines Norte si Gov. Edgardo “Egay” Tallado sa harap ni Executive RTC Judge Evan D. Dizon  ngayong araw, Oktubre 30, 2018.

Ito ay matapos personal na dalhin dakong 5:00 kahapon ni Atty Zalman Uddin, Legal Officer ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Region V ang reinstatement order para kay Tallado na tinanggap naman ni Acting Gov. Jonah Pimentel sa Office of the Governor ng Kapitolyo Probinsiyal.

 

Magugunita na kamakailan ay bumaba ang desisyon ng Court of Appeals na nagsasabing napagsilbihan na ni Gov. Tallado ang anim na buwang parusang suspension para sa simple misconduct na nagawa nito kaya naman maaari na itong bumalik sa kapitolyo at muling magsilbi bilang ama ng lalawigan.

Kasabay nito ay tinanggap na rin ni Hon. Jonah Pimentel ang kahalintulad na kaatasan na nagsasaad na dapat na itong bumalik sa puwesto bilang Bise Gobernador habang inaatasan na ring bumalik sa dating pwesto bilang Board Member si Hon. Mike Canlas.

Kaninang umaga ay kasabay nang nanumpa ni Gov. Egay Tallado si Vice Gov. Jonah Pimentel sa harap ni Judge Dizon bilang pagpapatunay ng pagtalima nito sa kaatasan ng DILG.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat si Gov. Tallado sa mga kababayang walang sawa at patuloy na sumusuporta sa kaniya gayundin sa mga naghintay at naniniwalang dapat pang magpatuloy ang kaniyang pagseserbisyo bilang ama ng lalawigan.

Kasunod nito ay nangako ang gobernador na higit na palalakasin ang mga programa sa Turismo, Agrikultura, at kabuhayan ng mga Mangingisda at Magsasaka kasabay nang muling pag arangkada ng Provincial Multi-Services Caravan.

Nabatid na hangad din ng gobernador na mapagsilbihan pa ang probinsiya sa mas mahabang panahon matapos na muli itong maghain ng Certificae of Candidacy sa pagka gobernador sa darating na May 2019 Elections bagay na pinapayagan umano ng korte dahil sa nangyaing  term interruption.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Ricky Pera and PIO-Camarines Norte