Oktubre 26, 2018, Daet, Camarines Norte– Tiniyak ni Mayor Benito “B2K” Ochoa ng LGU Daet  sa pamamagitan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang kahandaan para sa darating na pagdiriwang ng Undas sa naturang bayan.

Kaugnay nito, ngayong araw ay nagpatawag ng pinal na pagpupulong si MDRRMO Daet Officer Santiago M. Mella, Jr. sa MDRRMO Daet Bldg, Brgy. Pamorangon, Daet, Camarines Norte upang talakayin ang magiging takbo ng opearsyon sa pagitan ng ahensiya at mga barangay na may nasasakop na sementeryo na tinawag nitong “Oplan Undas 2018”.

Dinaluhan ang naturang pagpupulong ng mga opisyal at mga Barangay Tanod mula sa Barangay II, Barangay Cobangbang, Barangay Mancruz gayundin ng ibat ibang Radio Groups tulad ng Kabalikat Civicom, Kabalikat 139 Daet, Kabalikat Charity at iba pang mga concerned groups at agencies tulad ng Kabayan, DPSTMU, Philippine Army Reservist, MENRO-Daet at Daet Finest Task Force.

Samantala, dumalo rin sa pulong si PO3 Mark A. Zantua ng Daet Municipal Police Station  na tinalakay naman ang  Traffic Flow Plan at Secutiry Plan na ginawa ng Daet PNP bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista at mga pamilyang magtutungo sa kanilang namayapang mahal sa buhay.

Sa huli ay ipinangako ng MDRRMO na nakahanda ang kanilang  mga safety at emergency personnel para sa mga posibleng kaso ng emergency at sisiguruhin din na magtatalaga ng mga medical station sa mga lugar na tiyak na dadagsain ng mga tao.

Nangako naman ng buong suporta at kooperasyon ang mga opisyal ng barangay partikular na ang mga binuong Barangay Disaster Risk Reduction Unit sa MDRRMO.

Pangunahing layunin ng nasambit na pagkilos na mapanatili ang kaayusan gayundin ang masiguro ang kaligtasan ng publiko sa pagdiriwang ng undas.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of MDRRMO Daet