Oktubre 22, 2018, Daet, Camarines Norte – Bilang pagpapahalaga sa kahandaan sa panahon ng kalamidad at sakuna, naglaan ng sapat na atensyon ang Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pamamagitan ng Municipal Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pagsasanay ng mga personnel at volunteers na tutugon sa mga emergency situations na posibleng kaharapin ng bayan at mga residente nito.

Nitong nakatalikod Oktubre 16 hanggang Oktubre 19 ng taong kasalukuyan ay nagtungo sa Daet Heritage Center, Barangay III, Daet, Camarines Norte ang mga personnel ng MDRRMO Daet at ilan pang partisipante/volunteers upang sumailalim sa apat (4) na araw na Emergency Response Training Course na inorganisa ng MDRRMO Daet sa pamumuno ni MDRRMO Officer Santiago Mella Jr.

Nahahati sa dalawang kurso ang nasambit na pagsasanay. Ang unang dalawang (2) araw ay inilaan para sa kursong Basic Life Support with Automated External Defibrillator Operation habang ang huling dalawang araw naman ay ginugol para sa pagsasanay sa kursong Standard First Aid Training/Basic Emergency Care.

Sinanay ang mga matatapang na rescuers sa pamamagitan ng pagkakaron ng  aktwal na mga kaganapan sa panahon ng kalamidad kung saan nagamit dito ang kanilang mga natutunan sa mga ginawang lectures ng mga tagapagsanay mula sa Health Emergency Management Bureau ng Department of Health (DOH-HEMS), DOH-HEMS Camarines Norte Provincial Hospital, Provincial Health Office at PDRRMO-Camarines Norte.

Ang nasambit na gawain ay susog sa isa sa mga adhikain ni Mayor Benito “B2K” Ochoa na magkaroon ng isang pamayanang handa sa anumang sakuna. Una nang ipinabatid ng alkale na hindi lang karagdagang kagamitan ang solusyon sa panahon ng kalamidad, bagkus ay dapat ding tutukan ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa wastong pag-gamit ng mga equipments at wastong pamamaraan ng pag responde ng mga rescuers bagay na tinututukan naman ng MDRRMO Daet.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of MDRRMO Daet