Nobyembre 5, 2018, Daet, Camarines Norte – Umarangkada na ngayong araw ang taunang pagdiriwang ng National Rice Awareness Month (NRAM) kasabay ng ika-32  anibersaryo ng pagkakatatag ng Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) sa Pilipinas na ipinagdiriwang rin sa lalawigan ng Camarines Norte sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAG).

Sinimulan ang nasabing aktibidad sa pamamagitan ng zumba dance na nilahukan ng mga kawani ng OPAG at mga representante mula sa ibat ibang bayan. Sinundan ito ng isang fun walk na umikot sa mga pangunahing lansangan sa bayan ng Daet at isang maikling programa sa harap ng Kapitolyo Probinsiyal kung saan nagbigay ng mensahe si Gov. Egay Tallado na nasa unang araw din ngayon ng kaniyang pagbabalik-kapitolyo.

Sa mensahe ng gobernador, sinabi nito na ang bigas ay buhay kaya naman mula aniya ng siya ay manilbihan bilang ama ng lalawigan ay siniguro niya na ang sapat na suportang ipinapaabot sa sektor ng agrikultura partikular na sa produksiyon g bigas sa lalawigan.

Aniya, aabot na sa dalawang bilyong piso (2 Billion Pesos) ang pondong kaniyang naipababa mula sa National Government para tulungan ang mga magsasaka sa aspeto ng irigasyon sa pamamagitan ng National Irrigation Authority.

Nito lamang ding nakaraang buwan, bagaman wala sa puwesto ay nagawa pa ring maipamahagi sa mga kababayang magsasaka ang umaabot sa tatlumpung milyong piso (30 Million Pesos) na halaga ng mga makabagong farm machineries and equipments upang mapadali ang kanilang pagsasaka.

Hindi rin siyempre nawawala ang pagsasaayos ng mga farm to market roads lalung lalo na sa malalayong barangay upang mapadali ang pagdadala ng mga produktong pansakahan at pang agrikultura sa merkado.

Dagdag pa ni Gov. Tallado, marami pang nakalatag na programa upang mas palakasin ang sektor ng agrikultura sa lalawigan. Pangarap niya umano na sa darating na mga araw ay hindi na bibili ng bigas sa labas ng lalawigan ang mga kababayan at hindi umano imposible sa pagtutulungan ng mga magsasaka at ng Pamahalaang Panlalawigan.

Samantala, sa temang “Ready? SET rice! RICEponsible Filipinos Save Rice, Eat Healthy, and Try Brown Rice” ay hinikayat din ng gobernador at ni Engr. Almirante Abad ng OPAG ang mga consumers partikular na ang mga CamNorteño na kumain ng sapat na kanin gayndin ang tangkilin at kumain ng brown rice at brown rice mixes na mayaman umano sa fiber.

Ang RICEponsible ay mula sa salitang “Rice and Responsible”.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Romil Del Moro