Nobyembre 6, 2018, Mercedes, Camarines Norte – Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang isang 45 anyos na lalaki matapos itong magtamo ng saksak mula sa nakaalitan nitong suspek sa Purok 2, Brgy. 2, bayan ng Mercedes.

Kinilala ang biktima na si Ronnie Gabor y Cabanas, 45 anyos, may asawa at residente sa nasambit na lugar.

Sa tala ng Mercedes Municipal Police Station, dakong 7:30 kagabi, Nobyembre 5, 2018 nang maganap ang insidente kung saan nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspek na kinilalang si Jun Jun Serrano y Aragon, 36 anyos, may asawa at residente rin sa nabanggit na lugar.

Sa kalagitnaan ng pagtatalo ay bigla na lamang umanong bumunot ng patalim ang suspek at dalawang (2) beses na inundayan ng saksak ang biktima.

Naisugod pa sa pagamutan si Gabor subalit idineklara itong dead on arrival.

Samantala, kusang loob namang sumuko ang suspek na nasa kustodiya na ngayon ng Mercedes MPS.

Mariing iginiit ng suspek na ipinagtanggol lamang nito ang sarili kaya nito nasaksak ang biktima.

Patuloy pa rin ang imbestigasyong isinasagawa ng kapulisan sa naturang insidente.

 

Camarines Norte News