Nobyembre 8, 2018, Daet, Camarines Norte – Pinarangalan bilang isa sa mga Best Performing Local Government Unit ang lalawigan ng Camarines Norte sa nakalipas na 2018 Seal of Good Local Governance Awards Ceremony na ginanap nito lamang na ika 6 ng Nobyembre sa Manila Hotel sa lungsod ng Maynila.

Personal na tinanggap ni Governor Egay Tallado ang naturang parangal na iginawad ni DILG Sec. Eduardo Año, DILG Regional Director Elouisa Pator at DILG Provincial Director Renato Alaurin kasama ang Keynote Speakers sa nasambit na seremonya na sina Senator Sonny Angara at Rep. Jose Joet Garcia III ng ikalawang Distrito ng Bataan.

Ang naturang parangal ay iginagawad ng DILG (Department of Interior and Local Government) sa mga lokal na pamahalaan sa buong Pilipinas na kinakitaan ng maayos na sistema ng pamamalakad at serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.

Ilan sa mga pamantayan ng pagawad ng nabanggit na parangal ay ang Financial Administration o Pamahahala sa Kaban ng Bayan, Public Order and Safety o Katahimikan, Kaayusan at Paglaban sa Droga, Disaster Preparedness o Paghahanda sa Sakuna, Social Protection o Pagpapaunlad at Pangangalaga sa Kapakanan ng Mamamayan, Environment Protection o Pangangalaga sa Kalikasan, Business Friendliness at Competitiveness o Maayos na Sistema para sa mga Negyosyante at Namumuhunan at Arts, Culture and Tourism o Suporta sa Sining, Kultura at Pamana at Pagpapaunlad ng Turismo.

Sa rehiyon ng Bikol, tanging ang lalawigan lamang ng Camarines Norte ang tumanggap ng nasabing parangal sa Provincial Government Category, kasabay ng LGU Paracale, LGU Bula at LGU Siruma sa Camarines Sur, at LGU Pilar, Sorsogon para sa Municipal Government Category at ang mga lungsod naman ng Iriga, Naga, at Legazpi para naman sa City Government Category.

Para sa kumpletong listahan ng mga awardees, puntahan ang link na ito: https://www.facebook.com/pg/dilg.philippines/photos/?tab=album&album_id=909963562525572

Samantala, pinasalamatan naman ni Gobernador Edgardo Tallado sa isang Facebook post ang lahat ng kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte na tumulong at nagsakripisyo upang makamit ang naturang parangal.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News

Photo from Gov. Egay Tallado’s Official FB Page