Nobyembre 7, 2018, Daet, Camarines Norte – Magandang serbisyo ang hiling ng riding public kapalit ng taas pasahe na hinihiling ng tricycle sector sa Sangguniang Bayan ng Daet.

Sa pamamagitan ng isang public hearing na ginanap ngayong hapon, Nobyembre 7, 2018 ay dininig ng Sangguniang Bayan ng Daet ang mga komento, opinyon at suhestiyon ng ibat ibang sektor na nagrerepresenta sa mga mananakay o commuters sa bayan ng Daet gayundin ang panig ng mga tricycle drivers at operators.

Ito ay upang malaman ang reaksiyon at saloobin ng masa bago pa man sumalang sa ikatlong pagbasa ang draft ordinance na isinumite ng FETODA na humihiling na gawing sampung piso (Php 10.00) ang kasalukuyang umiiral na walong pisong (Php 8.00) minifum fare sa unang dalawang (2) kilomtero dahil umano sa ibat ibang kadahilanan tulad ng train law, mataas na inflation rate, pagtaas ng gasolina, percentage tax, annual registration at iba pang mandatory registration na ipinapataw sa kanila ng mga ahensiya ng gobyerno na nagiging mabigat na pasanin na ng kanilang sektor.

Halos iisa naman ang naging tugon ng publiko na dumalo sa naturang hearing. Anila, ramdam nila ang hirap na nararanasan ng mga driver at operators dahil lahat naman umano ay apektado ng inflation rate kaya naman bagaman may ilan na humiling ng mas mababa sa dalawang pisong pagtaas ay mas marami pa rin ang pabor dito.

Gayunpaman, iginiit ng publiko na sana ay kapalit ng hiling na pagtaas ng singil sa pasahe ay ang mas maayos o magandang serbisyo. Sana aniya ay mawala na ang sistema ng mga isnaberong tricycle driver at maging patas ang mga ito sa paniningil sa mga paashero.

Hiniling din sa mga TODA na siguruhing tutugon ang mga ito sa nakasaad sa batas na dalwampung porsiyentong (20%) diskwento para sa mga senior citizens, persons with disabilities at mga estudyante.

Nagpasalamat naman ang pamunuan ng FETODA sa pamamagitan ng Presidente nito na si Ginoong Alex Solpa sa pang unawa ng karamihan at nangakong tutugunan ng kanilang samahan ang mga reklamong ipinaabot ng mga kababayang commuters.

 

Camarines Norte News