Nobyembre 8, 2018, Mercedes, Camarines Norte – Patay sa pananaga ang isang lalaking nag amok umano sa tahanan ng kapitbahay nito sa Purok 4, Brgy. Lanot, Mercedes, Camarines Norte dakong 4:30 kahapon, Nobyembre 7, 2018.

Kinilala ang biktima na si George Alzar y Briagas, 38 anyos, may asawa at residente ng nasambit na lugar.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Mercedes Municipal Police Station, nagtungo ang biktima na pinaniniwalaang nasa impluwensiya ng alak sa tahanan ng suspek na si Erick Basco y Fabrecante, 36 anyos, may asawa, welder at residente ng parehong lugar at kinumpronta ang huli sa hindi malamang rason.

Sa una ay hindi na lamang umano pinansin ng suspek ang biktima upang makaiwas sa gulo subalit makalipas ang ilang minuo ay bumalik ito sa lugar at kinumpronta naman ang tatay ng suspek.

Nagkaroon umano ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng dalawa at doon na rin kumuha ng bolo ang suspek at pinagtataga ang biktima.

Nagtamo ng malubhang sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad nitong ikinamatay.

Samantala, kusang loob namang sumuko sa mga otoridad ang suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng Mercedes MPS habang inihahanda ang kaukulang kasong isasampa laban dito.

 

Camarines Norte News