Nobyembre 10, 2018, Daet, Camarines Norte – Puspusan na ang pagpaplano ng DEPED (Department of Education) Region 5 para sa paparating na Palarong Bikol na nakatakdang ganapin sa mga unang buwan ng 2019. Kasabay nga ng kanilang pagpaplano ay ang opisyal na pagpili sa lalawigan ng Masbate bilang susunod na venue ng nasabing palaro. Ito ay alinsunod na rin sa naging kumpirmasyon ni DEPED Bicol Regional Director Gilbert Sadsad.

Ayon sa pamunuan ng DEPED, nakatakdang isagawa ang assessment sa nasabing probinsya sa lalong madaling panahon upang matiyak ang mga bagay na posibleng kailanganin sa preparasyon ng palaro.

Nakikipag ugnayan na rin umano ang kanilang tanggapan sa pamunuan ng AFP at PNP upang tiyakin ang pangkalahatang kaayusan at kapayapaan sa nasabing lugar habang dinaraos ang nasabing palaro.

Matatandaan na isa ang probinsya ng Masbate sa mga election hotspot at may pinakamaraming naitalang election related shooting incidents sa Bicol. Bukod pa rito ay ang mga kumakalat na private armies sa nabanggit na lugar tuwing panahon ng eleksyon.

Samantala, pinawi naman ng mga otoridad ang pangamba ng mga magulang sa kaligtasan ng kanilang mga anak at tiniyak ang kaayusan at katahimikan sa buong pagdaraos ng Palarong Bicol sa lalawigan ng Masbate.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News

Photo from DEPED Masbate facebook page