Nobyembre 11, 2018, Daet, Camarines Norte –  Nauwi sa kamatayan ang dapat sana’y masayang paglilibang ng beteranong mamamahayag na si Celso Amo, animnapu’t anim (66) na taong gulang at residente ng barangay San Roque, Daraga, Albay matapos siyang pagsasaksakin habang naglalaro ng basketball dakong mga alas otso (8:00) ng umaga, Nobyembre 11, sa Daraga Covered court sa nasabing barangay.

Kinilala ang suspek sa karumal dumal na krimen na si Adam Abanes, tatlumpu’t taong (33) gulang, residente ng Pilar, Sorsogon at dayo lamang sa naturang lugar.

Ayon sa salaysay ng mga nakakita at ayon na rin sa imbestigasyon ng pulis, nag ugat umano ang pananaksak ng tumanggi ang biktima na makipaglaro ng basketball sa nasabing suspek. Dahil dito ay nagalit umano ang suspek at bumalik na armado ng kutsilyo at agad na inundayan ng saksak sa likod at dibdib ang nasabing biktima.

Agad na rumesponde ang mga pulis na nasa likod lamang ng nasabing basketball court at agad na dinakip ang suspek. Nadala pa sa ospital ang biktima ngunit binawian rin ng buhay.

Samantala tuloy pa rin ang imbestigasyon sa nasabing suspek na inaalam pa kung may diperensya sa pag iisip.

Si Celso Amo ay matagal na naging mamamahayag at isang correspondent ng Philippine Star sa Albay. Siya rin ang Editor in Chief ng The Windows, ang opisyal na pahayagan ng LGU Legazpi. Bukod pa rito, si Amo ay dati ring nagsulat para sa Philippine News Agency, Dyaryo Bikol at Bicol Mail.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News