Nobyembre 12, 2018, Daet, Camarines NorteMatapos maideklarang nasa alert level 4 nitong mga unang buwan ng 2018 ay muling nagpakita ng maliit na aktibidad ang bulkang Mayon dakong mga umaga ng Nobyembre 11, nito lamang na nakaraang araw ng linggo.

Ayon sa PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) Resident Volcanologist na si Ed Laguerta, isang lava fountaining activity ang naganap sa loob ng tatlumpung segundo sa nasabing bulkan.

Naitala rin sa bulkang Mayon ang apat na volcanic earthquakes kasabay ng pagbuga nito ng mataas na bilang ng sulfur dioxide.

Samantala, pinawi naman ng PHIVOLCS ang pangamba ng ilan sa nasabing aktibidad. Ayon sa PHIVOLCS, ang nasabing volcanic activity ay ang mga natira na lamang sa nangyaring mga pagsabog nitong mga unang buwan ng 2018.

Bagama’t isang minor activity lamang ang naitala, patuloy pa rin ang mahigpit na pagmomonitor ng nasabing ahensya at patuloy na pinapayuhan ang publiko na umiwas sa pagpasok sa 6 kilometer permanent danger zone ng bulkan.

Sa ngayon ay kasalukuyan pa ring umiiral ang alert level 2 sa nasabing bulkan.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News

Photo taken from googleimages.com