Nobyembre 16, 2018, Daet, Camarines NorteAabot sa walong (8) indibidwal ang naaresto ng dahil sa iligal na droga sa isinagawang magkakasunod na operasyon ng PNP Region 5 sa mga lalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur, at Albay.

Naaresto sa nasabing operasyon sa Barangay Sta. Teresita, Baao, Camarines Sur sina Jose Florendo, Jonathan Sinfuego, Alan Bigay, Aldrin Villamer, Reymar Magistrado at Jake Bedural, pawang mga residente ng nasabing barangay.

Arestado din sa operasyong isinagawa sa Barangay Manguisoc, Mercedes, Camarines Norte si Noli Arrizabal Jr., isang mangingisda at residente rin ng nasabing lugar.

Samantala naaresto naman sa Barangay Banawan, Pio Duran, Albay si Andres Aquino, isang fish vendor at residente rin ng nasabing barangay.

Narekober sa mga suspek ang mga sachet na pinaghihinalaang naglalaman ng droga at ilang mga paraphernalia sa paggamit at pagbebenta ng droga.

Kakaharapin ng mga nabanggit na persona ang kasong paglabag sa RA 9165 o mas kilala sa tawag na Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, pinasalamatan at pinuri naman ni PNP Bicol Regional Director Arnel B. Escobal ang buong kapulisan sa kabikulan dahil sa magkakasunod na tagumpay nito sa operasyon kontra droga. Patunay umano ito ng dedikasyon ng nasabing ahensya sa pagsugpo sa problema sa iligal na droga sa nasabing rehiyon.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte