Nobyembre 18, 2018, Daet, Camarines Norte – Isa nanamang kaso ng pananambang ang naitala sa Camarines Sur matapos tambangan ng mga armadong grupo ang convoy ng PNP dakong 4:30 ng hapon kahapon, Nobyembre 17 sa barangay Mambulo Nuevo, Libmanan, Camarines Sur.

Ayon sa imbestigasyon, nanggaling sa Barangay Bagamelon sa nasabing bayan ang nabanggit na grupo ng mga pulis matapos magsagawa ng medical mission sa nasabing lugar. Habang binabagtas ang daan pauwi, sinalubong ng mga pampasabog at pinaulanan ng bala ang nasabing convoy mula sa di pa malaman na bilang ng mga rebelde.

Matapos ang insidente ay tumakbo sa iba’t ibang direksyon ang nasabing mga rebelde upang tumakas.

Sugatan sa hanay ng mga pulis sina PO1 Vladimir Guadalupe, PO1 Roy Carbonell, PO1 Eliseo Jomar N. Palaroan, PO1 Mikhail Jose Concina, PO1 Daisy Bhel Genova at PO3 Roland G. Hermogeno.

Kasalukuyang ginagamot sa Naga city ang nasabing mga pulis.

Samantala, patuloy pa ring tinutugis ng AFP at PNP ang mga rebeldeng sangkot sa insidente ng pananambang sa hanay ng kapulisan.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News

Photos courtesy of Raymund Raposa