Nobyembre 19, 2018, Sta. Elena, Camarines Norte – Dalawa ang sugatan sa naganap na banggaan ng isang kotse at motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Purok 2, Brgy. Bulala, Sta. Elena, Camarines Norte dakong 4:07 ng hapon ngayog araw.

Sangkot sa nasambit na aksidente ang isang Euro 3 Motorcycle na minamaneho ni Carlo Hilotin, residente ng Brgy. Villa Aurora, Capalonga Camarines Norte at isang Honda City Sedan na minamaneho ni Jerry Magistrado y Bigay 28 anyos, binata, residente ng Brgy. Caroyroyan Pili Camarines Sur.

Lulan din ng nasambit na motorsiklo ang backrider na si Jack Ojas y Canaveral 14 anyos, estudyante habang lulan naman ng kotse ang isa pang pasahero.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Sta. Elena Municipal Police Station, tinatahak ng motorsiklo ang kalsada patungo sa Poblacion ng nasambit na bayan habang binabaybay naman ng kotse ang kasalungat na direksiyon nang pagsapit sa lugar ng insidente ay bigla umanong kinain ng motorsiklo ang linya ng kotse.

Dahil sa paahon at kurbada ang nasambit na bahagi ng highway, hindi na naiwasan ng dalawang sasakyan ang magkabanggan.

Bunsod nito tumilapon sa kalsada ang driver at backrider ng motorsiklo na kapwa nagtamo ng mga injury sa ibat ibang bahagi ng katawan at agad na dinala sa pinakamalapit na pagamutan habang wala namang nasaktan sa driver at pasahero ng kotse.

Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Sta. Elena MPS ang dalawang sasakyang sangkot sa insidente habang inaalam pa ang kabuuang pinsalang dulot ng naturang aksidente.

 

Camarines Norte News