Nobyembre 22, 2018, Daet, Camarines NortePapuri at pasasalamat ang ipinaabot ni Provincial Health Officer Dr. Arnulfo Salagoste sa daan daang Barangay Health Workers (BHW) na dumalo sa kauna-unahang Provincial Barangay Health Workers Summit  na ginanap kamakailan sa  Villa Milla Hotel & Resort, Daet, Camarines Norte.

Dinaluhan ang nasambit na Summit ng umaabot sa 300 BHWs mula sa limang bayan ng unang distrito ng lalawigan.

Naging laman ng mensahe ni Salagoste sa mismong Summit ang pagnanais nito na maging libre ang hospitalization sa Panlalawigang Pagamutan ng sinumang BHW na magkakasakit o macoconfine bilang pagpapahalaga na rin sa taos pusong naglilingkod ang mga ito sa kanilang mga kabarangay sa kabila ng hirap ng kanilang mga gawain at tungkulin, idagdag pa ang mababang honorarium at incentives na natatanggap ng mga ito.

Kaya naman nanawagan ang opisyal sa mga namumuno sa Pamahalaang Panlalawigan na dinggin ang hinaing ng mga BHW na aniya ay may malaking kontribusyon at tulong sa Kagawaran sa pagpapanatiling malusog ng pamayanan.

Positibo naman itong tinugunan ni Bokal Muriel Moral Pandi na dumalo sa summit bilang kinatawan ni Governor Egay Tallado.

Aniya, kaniyang isusulong sa Sangguniang Panlalawigan ang isang resolusyon na naglalayong gawing libre ang pagpapagamot at hospitalization ng mga BHW sa CNPH.

Ibinalita din ng Bokal na hindi imposible ang hiling na pagtaas ng honorarium ng mga ito dahil kapag tumaas ang Internal Revenue Allotment (IRA) ng lalawigan sa taong 2019 ay maaari nang mapagbigyan ang kanilang kahilingan.

 

Camarines Norte News

Photos courtesy of Benito Cabrejas Jr.