Nobyembre 23, 2018, Daet, Camarines Norte. Ibinahagi ni Vice President Leni Robredo sa mga Cam Norteño partikular sa mga student leaders at mga guro ang iba’t ibang istorya ng tagumpay at pagsisikap makaraan nga ang formal launching ng “Istorya ng Pag Asa photo gallery exhibit” sa Mabini Colleges Inc. High School building ngayong araw.

Layunin ng nasabing proyekto ang magbahagi ng mga istoryang kapupulutan ng inspirasyon sa pang araw araw na pamumuhay ng mga Pilipino. Ayon kay Robredo, nabuo ang proyekto bilang pangontra sa paglaganap ng mga peke at mapanirang balita sa ating lipunan.

Imbes na mga istorya ng paninira at kasamaan ang lumaganap ay mas kailangan umano ng mga mamamayan ng mga istoryang kapupulutan ng pag asa na magiging inspirasyon para sa lahat. Bagama’t biktima ng samu’t saring paninira ay mas pinili umano nila ang magpalaganap ng positibong mensahe kaysa patulan ang mga paninira ng mga kritiko.

Tampok sa pagtitipon ang ribbon cutting ceremony sa photo exhibit na sinundan ng talumpati ng pangalawang pangulo tungkol sa nasabing proyekto. Matapos ang talumpati ay ang paggawad ng parangal sa napiling dalawampung (20) tao na nagpamalas ng husay at inspirasyon sa kanilang mga napiling larangan.

Sa kasalukuyan, ang « Istorya ng Pag Asa » ay nakalunsad na sa iba’t ibang probinsya sa buong pilipinas. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa nasabing proyekto bisitahin ang link na https://istoryangpagasa.ovp.gov.ph/ . Sa mga interesadong tunghayan ang mga “istorya ng pag asa”, maaring bisitahin ang photo exhibit na matatagpuan sa 2nd floor ng Mabini Colleges High School building.

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News