Nobyembre 24, 2018, Daet, Camarines Norte. Matapos nga ang insidente ng mga pananambang at pakikipagbakbakan ng mga teroristang grupo laban sa mga pulis at militar sa kabikulan ay ipinagutos ng Malacañang ang pagdadagdag ng mga sundalo at kapulisan sa nasabing rehiyon upang wakasan ang lawless violence.

Ayon na rin sa nakasaad sa Memorandum Order no. 32 na ipinalabas ng palasyo nitong Nobyembre 23, ang karagdagang mga pulis at sundalo na ipapadala sa Negros Island, Samar at Bicol Region ay pagtugon sa umanoy mga insidente ng karahasan sa mga nabanggit na lugar.

Bukod pa rito ay ang pagpapaigting sa intelligence gathering at operasyon ng mga pulis at militar laban sa mga teroristang grupo. Pinagtitibay rin nito ang kooperasyon ng PNP at AFP upang pigilan ang mga insidente ng karahasan na pwedeng gawin ng mga maka-kaliwang grupo sa mga susunod na araw.

Samantala, nangangamba naman ang publiko at ilang mambabatas sa animo’y “militarisasyon” sa mga nabanggit na lugar. Ayon sa Makabayan Party List, ito ay posibleng paunang hakbang lamang ng gobyerno sa planong pagdeklara ng batas militar sa buong bansa.

Matatandaan na ginamit ng administrasyong Marcos ang umano’y lawless violence sa bansa bilang rason sa pagdeklara ng batas militar noong dekada sitenta (70). Dagdag pa ng mga mambabatas, pwede naman umanong sugpuin ng AFP at PNP ang karahasan sa mga nabanggit na lugar ng hindi ipinapalabas ang nasabing kautusan.

Samantala, pinawi naman ng PNP Bicol ang pangamba ng publiko at nilinaw na hindi katulad ng batas militar ang pagpapadala ng karagdagang mga tropa sa kabikulan. Wala umanong ibang hangad ang kautusan kundi panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon at sugpuin ang mga terorista na nais maghasik ng kaguluhan sa mga komunidad.

Siniguro rin ng ahensya na papairalin ang batas at patuloy na irerespeto at poprotektahan ang lahat ng karapatang pantao sa buong pagpapatupad ng kautusan.

Blaise Henry E. Ilan/Camarines Norte News