Nobyembre 30, 2018, Daet, Camarines Norte –  Hindi kumbinsido ang mga kapamilya ng isang tricycle driver na napatay sa drug buy bust operation sa Labo, Camarines Norte sa mga pahayag ng pulisya na umano’y tulak ng droga ang kanilang kaanak. Bukod pa rito, ay duda rin umano sila sa pahayag ng mga otoridad na ito ay “nanlaban”.

Ayon sa report ng pulisya, dakong 5 :55 ng umaga kahapon ng mangyari ang transaksyon sa pagitan ng suspek na si Joel Panotes at ng pulis na nagpanggap na buyer sa nasabing operasyon. Matapos mahalata ni Panotes na pulis ang kanyang ka-transaksyon ay agad umano itong bumunot ng kalibre trenta y otso (38) na baril at agad na pinaputukan ang pulis.

Dahil dito ay agad namang gumanti ng putok ang mga otoridad na nagresulta naman sa pagkamatay ng suspek dahil sa mga tinamo nitong tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Bukod sa matagal ng minamanmanan ng pulisya ang suspek, ito rin umano ay dating miyembro ng notorious na Velasco Robbery Hold-up group.

Samantala mariin namang itinanggi ng mga kaanak nito, partikular na ng kanyang asawa na sangkot ang kanyang mister sa iligal na mga gawain. Nagtatrabaho rin umano ito ng marangal bilang tricycle driver at walang anumang bahid ng pagkakasangkot sa pagnanakaw at droga hindi gaya ng nakasaad sa report ng pulisya.

Kaduda duda rin umano ang pagkaka rekober ng baril malapit sa kanang kamay nito kahit na kaliwete naman umano ang kanyang asawa. Wala rin umanong alam sa nasabing insidente ang opisina ng Labo at Vinzons Municipal Police kahit na mag aalas otso na ng umaga ng sila ay magtungo sa nasabing mga tanggapan ng pulisya. Huli na ng nalaman ng mga kaanak ng suspek na nadala na pala ang labi nito sa punerarya.

Samantala, sa isang pahayag sa radyo ay nagpaabot ng pakikiramay si PNP Camarines Norte OIC Provincial Director Godofredo K. Tul-O sa mga kaanak ng nasabing suspek. Bagama’t naiintindihan niya ang nararamdaman ng mga kaanak, ay hindi rin umano inaalis sa imbestigasyon ang posibilidad na nagpaputok ng baril ang suspek sa kanang kamay kahit na ito ay kaliwete. Hindi umano palaging rason na kaliwete ang isang tao upang mawalan ito ng kakayahan na magpaputok ng baril sa kanang kamay.

Mas nakakabuti umano na hintayin na lang ang kumpletong imbestigasyon sa insidente para mabigyang linaw ang mga pangyayari. Hindi rin umano kokonsentihin ng departamento ang mga pulis na sangkot sa operasyon oras na malaman na may pananagutan at pagkakamali nga ang mga ito.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News