Nobyembre 25, 2018, Daet, Camarines Norte – Pansamantalang ipinagpaliban ng Sangguniang Bayan ng Daet ang pagaapruba ng Ordinansa na susuporta sa pagpapatupad ng dagdag na dalawang pisong pasahe sa sektor ng traysikel sa nasambit na bayan.

Ito ay dahil sa ilan pang mga usapin na nais linawin ng Sangguniang Bayan mula sa panig ng mga drivers at operators sa pamamagitan ng FETODA.

Hiling ng SB na magkaroon muna ng commitment o maayos na kasunduan ukol sa mga dapat baguhin at isaayos sa parte ng mga driver at operators bilang tugon sa pangako ng mga itong mas maayos na serbisyo sa mga commuters kapalit ng hiling na dagdag pasahe.

Mariin namang tinutulan ng FETODA ang ilang pakiusap na nakasaad sa kolatliya tulad na lamang ng pagsasauli umano sa LGU o TRU ng prangkisa ng isang may-ari at pagbabawal ng pagebenta nito kung sakaling hindi na ito gagamitin.

Inalmahan din ng grupo ng mga driver at operator ang nais ng Sangguniang Bayan na maitaas ang mga penalidad sa mga paglabag ng mga tricycle diver at operator base na rin sa umiiral na Tricycle Code dito sa bayan ng Daet.

Gayunpaman, hinihintay lamang umano ng mga opisyal ng FETODA partikular na ng Presidente nito na si G. Alex Sulpa ang muling pagpapatawag sa kanila ng SB upang dinggin ang kanilang panig at upang sa mapabilis na rin ang pag apruba sa ordinansa.

 

Camarines Norte News