Nobyembre 30, 2018, Daet, Camarines Norte – Nakiisa ang Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pagdiriwang ng 26th National Children’s Month Celebration ngayong buwan ng Nobyembre, taong 2018.

Sa pagtutulungan ng LGU Daet, Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Municipal Federation on Child Development Workers, Kiwanis International at Kiwanis Club of Reina Daeteña, matagumpay na isingawa kahapon ang Municipal Culminating Activities sa Central Plaza Atrium, Daet, Camarines Norte.

Kinapalooban ito ng ibat ibang mga aktibidad at kompetisyon na nagtatampok sa mga natatanging kakayanan ng mga kabataang Daeteño tulad ng pagtula, pagkanta, pag guhit, pagsasanaysay at iba.

Nilahukan ito ng mga piling mag aaral mula sa ibat ibang day care centers sa bayan ng Daet.

Tumayo naman bilang mga hurado sa nasambit na mga kumpetisyon ang ilang personel mula sa Daet PNP, kilalang talent mentors at si Kiwanis Club of Reina Daeteña President Ma. Eliza H. Llovit.

Parte rin ng nasambit na aktibidad ang pamamahagi ng libreng school supplies sa hindi bababa sa 250 na mga day care students sa bayan ng Daet.

Nabatid na ang taunang pagdiriwang ng National Childrens Month tuwing buwan ng nobyembre ay isinasagawa bilang pagpapadama ng halaga sa mga kabataan. Ito ay isang selebrasyon kung saan nagiging bahagi ang mga kabataan ng ibat ibang aktibidad na kumikilala sa kanilang mga kakayanan at karapatan.

Dito ay mas pinaiigting din ang pagbibigay kaalaman sa publiko ukol sa kahalagahan ng malusog at ligtas na pamayanan para sa mga kabataan gayundin ang pagbibigay proteksiyon at pagkilala sa kanilang mga karapatan – mga bagay na patuloy na isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Daet sa pangunguna ni Mayor Benito “B2K” Ochoa katuwang ang ibat ibang organisasyon partikular na ang Kiwanis Club of Reina Daeteña.

May temang “ISULONG: Tamang Pag Aaruga sa Lahat ng Bata” ang selebrasyon nito ngayong taon.

 

Camarines Norte News