Disyembe 3, 2018, Daet, Camarines Norte – Umaabot sa dalawang libo at limandaang pisong cash (Php2,500.00) ang natangay ng dalawang (2) armadong kalalakihan makaraang holdapin sa loob lamang ng limang minuto ang isang gasoline station sa bayan ng Daet.

Base sa inisyal na ulat ng kapulisan, dakong 8:10 kagabi, Disyembre 2, 2018, nang salakayin ng mga suspek ang Biyahero Gas Station na nasa Bagasbas Road, Brgy. Borabod, Daet, Cam Norte.

Sa nakalap na impormasyon ng Daet Municipal Police Station, habang nakaduty ang gasoline girl at biktima na kinilalang si Jennelyn Predicala y Taway, 30 anyos, residente ng Purok 1, Brgy. Mambalite ng parehong bayan ay bigla na lamang umanong dumating ang dalawang (2) suspek na sakay ng isang (1) motorsiklo at kapwa nakasuot ang full face helmet at kulay puting jacket.

Agad umanong tinutukan ng isa sa suspek ang biktima ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril at nagdeklara ng holdap.

Dahil sa pagkabigla at takot, wala na umanong nagawa ang biktima kunid ibigay ang nasambit na halaga ng pera na kita ng gasolinahan ng mga oras na iyon.

Matapos na makuha ang pakay ay mabilis na tumakas ang mga holdaper patungo sa kasentruhan ng bayan.

Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga awtoridad kaugnay sa naganap na holdapan.

Samantala, nagpaalala ang kaupulisan sa publiko na maging mapagmatiyag at maingat lalung lalo na ngayong nalalapit na holiday season upang maiwasang mabikitma ng mga kawatan.

 

Camarines Norte News