Disyembre 3, 2018, Daet, Camarines Norte – Sugatan ang isang 21 anyos na binata matapos itong saksakin ng dalawa pang binata sa labas ng isang restobar sa Barangay VIII, bayan ng Daet.

Kinilala ang biktima na si Jomar Esplana y Romana, 21 anyos, residente ng Purok 3, Brgy. VII ng nasambit na bayan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng Daet Municipal Police Station, dakong 9:00 kagabi, Disyembre 2, 2018, nang maganap ang pananaksak sa mismong harapan ng Empo Restobar.

Galing umano sa loob ng restobar ang biktima ng bigla na lamang itong undayan ng saksak gamit ang di matukoy na patalim ng mga suspek na sina Harold Epa y Paderon, 19 anyos at Ace Capistrano y Bautista, 18 anyos, kapwa residente ng Purok 5, Brgy. Bagasbas ng parehong bayan.

Agad na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital ang biktima para sa kaukulang atensiyong medikal habang agad ding naaresto ng mga rumispondeng personel ng Daet PNP ang mga suspek.

Nasa kustodiya na ng nasambit na himpilan ng pulisya ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon.

Camarines Norte News