Disyembre 4, 2018, Daet, Camarines Norte – Kasabay na sasalubong sa pagpasok ng taong 2019 ang dalawang pisong (Php 2,00) dagdag sa pamasahe ng mga commuters ng sektor ng tricycle sa bayan ng Daet.

Ito ay matapos na aprubahan kahapon ng Sangguniang Bayan ng Daet sa ginanap na regular na sesyon ang inihaing petisyon ng samahan ng mga tricycle drivers at operators para sa dalawang pisong increase sa pamasahe sa tricycle.

Napagpasiyahan na mula sa dating walong piso (Php 8.00) ay magiging sampung piso (Php 10.00) na ang minimum fare sa bayan para sa unang dalawang (2) kilometro at pisong (Php 1.00) na dagdag naman sa bawat kilometro.

Malinaw din na nakasaad sa ordinansa na dapat ay mahigpit pa rin na sundin ng mga drivers ang 20% discount sa mga pasaherong Senior Citizens at Persons with Disability gayundin sa mga estudyante.

Bagamat aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa, nilinaw ni Councilor Rosa Mia King, Chairman ng Public Utility na magiging epektibo lamang ang dagdag singil sa unang araw ng Enero ng darating na taong 2019. Aniya, sa ngayon ay hindi pa pinahihintulutang maningil ang mga drivers ng dagdag na Php 2.00 at maaaring ireport ng mga commuters sa Tricycle Regulatory Unit (TRU) ang sinumang lalabag dito.

Tiniyak naman ng konsehal na kung sakaling magtutuloy-tuloy ang pagbaba ng presyo ng gasolina at umabot na lamang sa P40 pesos kada litro ay otomatikong ibababa muli ang pasahe sa tricycle at hindi na kailangan i-amyenda pa ang ordinansa o tumawag ng public hearing para dito.

Sa huli ay hiniling ng konseho sa panig ng mga drivers at operators sa pamamagitan ng mga opisyal ng FETODA na tumalima ang nasambit na sektor sa kasunduan ukol sa mga dapat baguhin at isaayos sa kanilang parte bilang tugon sa pangako ng mga itong mas maayos na serbisyo sa mga mananakay kapalit ng pag apruba sa hiling ng mga ito na dagdag pasahe.

 

Camarines Norte News