Disyembre 4, 2018, Mercedes, Camarines Norte – Matapos ang mahigit isang buwang pagtatago ay tuluyan nang bumagsak sa kamay ng otoridad ang isang miyembro ng CAFGU (Citizen Armed Force Geographical Unit) na suspek sa pamamaril-patay kay Jefferson Lopez, isang guro sa Hinipaan Elementary School, bayan ng Mercedes.

Base sa tala ng Mercedes Municipal Police Station, dakong 2:30 ngayong hapon ng madakip sa Barangay 5, bayan ng Mercedes ang suspek na si Gilbert Balte y Tablong, 23 anyos, binata, miyembro ng CAFGU at residente ng Purok 3, Brgy. Hinapaan, ng parehong bayan.

Sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na ibinaba ni Hon. Judge Arnel A. Dating ng RTC Branch 41 nitong nakatalikod na Nobyembre 26 ng taong kasalukuyan, inaresto ng pinagaanib na pwersa ng Mercedes MPS at 22 Infantry Brigade, 9 ID Philippine Army ang naturang suspek.

Nabatid na nasa Rank 1 sa listahan ng Municipal Most Wanted Persons si Balte na nagtago ng mahigit isang buwan matapos isagawa ang pamamaril gamit ang isang M16 Rifle nitong nakatalikod na buwan ng Oktubre na ikinasawi ni Lopez at ikinasugat ng isa pa.

Nasa kustodiya na ng nasambit na himpilan ng kapulisan ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong murder na may karampatang parusang habambuhay na pagkakakulong.

Camarines Norte News