Disyembre 10, 2018, Daet, Camarines Norte – Maagang pamasko ang inihatid ng Kiwanis Club of Reina Daeteña at Bicol Press Club sa mahigit dalawang daang (200) bata at magulang sa kanilang programang “Pamaskong Handog sa mga Batang Daeteño” na ginanap sa Lanito sports plaza sa Barangay Camambugan, Daet, Camarines Norte nito lamang na araw ng sabado Disyembre 8, 2018.

Dumalo sa nasabing aktibidad ang mga residenteng benepisyaryo mula sa tatlong barangay sa bayan ng Daet partikular sa Barangay Mantagbac, San Isidro, at Camambugan. Dumalo rin sa programa ang mga opisyal at miyembro ng Kiwanis Club pati na rin ang mga media practitioners na nagmula pa sa iba’t ibang lalawigan ng kabikulan.

 

 

Tampok sa aktibidad ang pagbibigay ng mga libreng tsinelas, laruan, candies and snacks, food packs at maging mga multivitamins na makakatulong sa kalusugan ng mga bata. Ayon sa ibinigay na mensahe ni Kiwanis Region V-A Lieutenant Governor Maria Carmela Manjares, bagama’t temporary at maliit lamang ito na tulong sa mga nasabing residente ay pinakalayunin pa rin umano ng programa ay ang magbigay ng kasiyahan sa mga bata kahit na sa simple lamang na paraan.

Samantala, binigyang pansin naman ng Presidente ng Kiwanis Club Daet Chapter na si Maria Eliza H. Llovit ang kahalagahan ng pasko sa mga kabataan. Sinabi nito sa kanyang maikling mensahe na ang pasko umano ay higit na dapat ipagdiwang dahil ito ay para sa mga bata.

Dagdag pa ni Llovit, ang programa ay saktong sakto umano sa layunin ng kanilang organisasyon na higit na nagbibigay pansin sa mga pangangailangan ng mga bata sa komunidad. Binigyang diin rin niya ang pagdiriwang ng kapiyestahan ng Immaculate Conception na ipinagdiriwang tuwing ika walo (8) ng Disyembre na siya rin umanong saktong araw at pagkakataon para tumulong sa mga nangangailangan.

Bukod sa feeding program at gift giving ay nagbigay rin ng saya at aliw sa mga magulang at kabataan ang iba’t ibang mascot mula sa Provincial Government at isang kilalang fast food chain sa bayan ng Daet.

Samantala, nakatala pang magsagawa ng kaparehong aktibidad ang Kiwanis at Bicol Press Club sa mga lalawigan ng Camarines Sur at Albay upang mas marami pa ang matulungan at mapasayang kabataan ngayong darating na kapaskuhan.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News