December 16, 2018, Daet, Camarines Norte. Imbes na maligaya ay malungkot na sasalubungin ng mga kaanak ni Punong Barangay Joel Barica ang araw ng pasko matapos itong pagbabarilin mga bandang alas onse kwarenta y singko (11:45) ng gabi, Disyembre 15, sa covered court ng Barangay Lalawigan, Mercedes, Camarines Norte.

Ayon sa ulat ng pulisya, masayang dumadalo sa Christmas party ng kanilang lugar ang nasabing biktima ng ito’y bigla na lamang pagbabarilin ng di pa nakikilalang suspek. Nagtamo ng iba’t ibang tama ng bala sa katawan si Barica na siya namang nagresulta sa agaran nitong pagkamatay.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos maisagawa ang pamamaril. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya upang mapanagot at malaman kung sino ang nasa likod ng karumal dumal na krimen.

Samantala, lubos namang nagluluksa ang buong komunidad ng Barangay Lalawigan sa nasabing bayan matapos ang pagkamatay ng kanilang punong barangay.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News