December 17, 2018, Daet, Camarines Norte. Matagumpay mang nakatakas sa mga pulis ay bigo namang matakasan ng isang snatcher ang sarili nitong kamatayan matapos itong manlaban sa ikinasang hot pursuit operation ng mga otoridad bandang 12:20 ng hatinggabi, Disyembre 17, 2018, sa barangay San Isidro, Daet, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek na si Mark Anthony Negado na nauna ng naaresto ng pulisya dahil sa kaso ng snatching ilang oras lamang bago ito mapatay.

Ayon sa salaysay ng mga otoridad, kanilang nadakip si Negado makaraang mang-snatch ito ng isang bag sa kasentrohan ng bayan ng Daet mga bandang alas otso ng gabi, Disyembre 16, 2018.

Matagumpay mang naaresto si Negado ay bigo naman ang mga pulis na maaresto ang kasabwat nito na agad na nakatakas matapos iwanan ang motorsiklo na kanilang ginamit sa nasabing krimen.

 

Ang motorsiklong ginamit sa krimen matapos itong bumangga sa barrier ng kalsada.

Samantala, matapos maaresto ay nangako pa umano ang suspek na sasamahan ang pulisya sa bahay ng kanyang kasabwat, ngunit habang nasa daan ay nagawa umano ni Negado na makatakas nang ito’y tumalon mula sa police mobile car na kinasasakyan nito. Ayon pa sa mga pulis, nagawa pa nitong makauwi upang tanggalin ang posas nito.

Nang matunton ng pulisya ang nakatakas na suspek sa Barangay San Isidro ng nasabing bayan, isang engkwentro ang naganap matapos umanong magpaputok at manlaban si Negado gamit ang baril na pagmamay-ari nito.

Nagtamo ng iba’t ibang tama ng bala sa katawan si Negado na siya namang agad na ikinasawi nito. Samantala, patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa nakatakas na kasabwat nito.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News