Memorandum of Agreement Signing of Deed of Donation of a parcel land located at Sitio Mat-I, Barangay Sto. Domingo, Vinzons, Camarines Norte to be used in the construction of regional processing center.

Disyembre 20, 2018, Daet, Camarines Norte. Nilagdaan ang lupang donasyon o deed of donation na 1,000 metro kuwadrado mula sa pamahalaang panlalawigan ng Camarines Norte para sa itatayong regional processing center ng Social Security System (SSS) sa Sitio Mat-I, barangay Sto. Domingo sa bayan ng Vinzons dito.

Ang paglagda ay sa pamamagitan nina SSS President at Chief Executive Officer Atty. Emmanuel F. Dooc, Gobernador Edgardo A. Tallado, Bise Gobernador Jonah G. Pimentel at SSS Senior Vice President Atty. Voltaire P. Agas na isinagawa sa Audio Visual Production Center ng kapitolyo probinsiya.

Photos from left: SSS Senior Vice President Atty. Voltaire P. Agas, SSS President and Chief Executive Officer Atty. Emmanuel F. Dooc, Governor Edgardo A. Tallado and Vice Governor Jonah G. Pimentel

Layon ng regional processing center na mapabilis ang proseso sa transaksiyon lalo na sa mga magreretiro at magsilbi hindi lang sa lalawigan kundi sa buong rehiyong bikol. Ayon sa pahayag ni Atty. Dooc, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ay kanyang naisipan na magbukas ng mga tanggapan sa Camarines Norte na tinangkilik naman ng mga punong bayan dahil na rin sa nahihirapan ang mga miyembro ng SSS lalo na ang mga nasa malalayong lugar kabilang na ang bayan ng Sta. Elena, Jose Panganiban at Labo na mayroon nang mga service office.

Aniya, ang koleksiyon naman sa bawat buwan mula sa mga kasapi ng SSS sa naturang mga bayan ay umaabot sa P3 milyon sa bayan ng Labo, P2 milyon sa Jose Panganiban at P1 milyon sa Sta. Elena. Dahil dito ay nagkaroon ng mga remittance o financial offices sa mga naturang bayan na tumatanggap ng mga kontribusyon ganundin ay nagbukas ng mga panghanapbuhay o oportunidad sa pagnenegosyo.

Ayon pa rin kay Dooc, sana ay maipagpatuloy ito upang mapakinabangan ang mga benepisyo na ibinibigay ng SSS para sa mga karaniwang manggagawang Pilipino. Ang mga miyembro sa bansa ay umaabot na sa 36 milyon at maaari pa na madagdagan ang bilang dahil sa ilalim ng bagong panukalang batas na magpapalit sa SSS charter na ang lahat ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ay magiging mandatory members.

 

Camarines Norte News

Reyjun Villamonte