Disyembre 23, 2018, Daet, Camarines Norte. Mariing kinundena ng Malakanyang at ilang mga kongresista ang pagpaslang kay Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe at sinabing dapat papanagutin ang sinumang may kagagawan ng nasabing krimen. Si Batocabe ay pinagbabaril patay kahapon ng mga di pa nakikilalang suspek dakong alas tres ng hapon sa covered court ng Barangay Burgos, Daraga, Albay habang nagsasagawa ng gift giving para sa mga PWD’s at senior citizen. Patay rin sa nasabing insidente ang police escort nito na si SPO1 Orlando Diaz.

Ayon sa pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, lubhang nalulungkot at taos pusong nakikiramay ang Malakanyang sa mga kaanak at kasamahan ni Batocabe sa mababang kapulungan ng mga mambabatas. Iniimbestigahan na rin umanong mabuti ng mga otoridad ang kaso at tiniyak na mapapanagot ang sinumang responsable sa pagpatay sa nasabing kongresista.

Samantala, magkahalong lungkot at galit naman ang nararamdaman ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. sa pagkamatay ni Batocabe. Sinabi nito na kailangan ng matigil ang kultura karahasan na bumabalot sa ating bansa. Siya umano ay nabigla matapos mabalitaan ang pagkamatay ng kanyang kaibigan na matagal rin niyang nakasama sa Kongreso.

Dagdag pa ni Andaya, isang kaduwagan ang ginawa ng mga pumaslang sa nasabing kongresista matapos nitong patraydor na barilin si Batocabe at ang police escort nito habang nagbibigay ng kasiyahan ngayong panahon ng kapaskuhan. Bagama’t namayapa na ay patuloy pa rin umanong papakinabangan ng mga tao ang mga batas at proyekto na nagawa nito sa kanyang panunungkulan.

Nagpaabot rin ng pakikiramay si House Speaker Gloria Macapagal Arroyo at nanawagan sa mabilis na imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Batocabe. Lubha umano niyang ikinalungkot ang pagkamatay ni Batocabe na naging magaling at mabuting lingkod ng kanyang mga nasasakupan.

Samantala bumuo na ang PNP ng Special Investigation Task Group upang mapanagot ang mga nasa likod ng pagpatay sa nasabing kongresista.

 

Blaise Henry E. Ilan 

Camarines Norte News