Kuhang satellite image ng PAGASA as of December 23, 2018, 8:40 am.

Disyembre 23, 2018, Daet, Camarines Norte.  Lubhang pinag-iingat ang publiko partikular na ang mga nakatira sa Albay, Sorsogon, at Camarines Norte sa posibleng pagguho ng lupa at mga pagbaha sa mga mababang lugar.

Ito ay matapos itaas sa Orange Rainfall Alert status ang mga naturang probinsya bunsod na rin ng walang humpay na pag-ulan simula pa kagabi.

Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration), kapag nakadeklara ang Orange Rainfall Alert sa isang lugar ay asahan ang mga malalakas na pag-ulan na aabot sa 15-30 mm amount of rainfall per hour. Maaaring magpatuloy pa sa mga susunod na dalawang oras ang nasabing lakas ng ulan kung nakadeklara sa isang lugar ang orange alert status.

Pinaghahanda rin ang publiko sa posibleng paglikas anuman na oras kung magpatuloy pa ang mga malalakas na pag ulan.

Samantala, dalawang weather system ang nagdudulot ng ulan ngayong linggo. Una ay ang Low Pressure Area sa Surigao Del Norte na siyang nagpapaulan sa silangang parte ng Mindanao, Visayas at Bicol, at pangalawa ay ang hanging amihan na nakakaapekto naman sa malaking bahagi ng Luzon.

Binabantayan naman ngayon ng PAGASA ang isang Low Pressure Area na inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility sa darating na pasko. Tinatayang nasa isa hanggang dalawang bagyo pa ang posibleng pumasok sa ating bansa bago matapos ang taong 2018.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News