Nanawagan sa isang press conference kaninang umaga ang mga kasamahan ni Batocabe sa pulitika tungo sa mabilis na pagresolba ng kaso nito. (Photo by Rhaydz Barcia/Rappler)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Disyembre 23, 2018, Daet, Camarines Norte. Inilabas ng PNP (Philippine National Police) kaninang umaga ang ilan sa mga detalye ng imbestigasyon sa pamamaslang kay AKO Bicol Representative Rodel Batocabe na naganap kahapon sa Barangay Burgos, Daraga, Albay. Ayon sa imbestigasyon, apat na bala ang tumagos sa katawan ni Batocabe na siyang naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.

Nagtamo naman ng dalawang tama ng bala sa ulo, isa sa kaliwang dibdib, isa sa tiyan at tig-isa sa mga binti ang police escort nitong si SPO1 Orlando Diaz na nasawi rin sa nasabing insidente.

Samantala, pito pang indibidwal na pawang mga senior citizens ang nadamay at nasugatan sa nasabing pamamaril. Kabilang sa mga sugatan ay sina Ellen Lapon Mansos, 63 taong gulang, Marina Belolo Mediavillo, 78 taong gulang, Florencita Lomeria Mendones, 67 taong gulang, Haydie Non Llorca, 61 taong gulang, Gregorio Loterte Mediavillo, 79 taong gulang, Jesus Llana Medes, 73 taong gulang, at Nelia Mancera Millena, 71 taong gulang.

Aabot sa mahigit kumulang anim na hindi pa nakikilalang suspek ang may kagagawan sa krimen na tumakas umano gamit ang tatlong motorsiklo.

Tinatayang aabot naman sa 25 hanggang 30 milyong piso ang pabuyang maiipon ng mga kongresista sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin sa pagpaslang kay Batocabe. Nasa mahigit isang daang kongresista ang nangakong mag-aambag sa pabuya na sa ngayon ay umabot na umano sa 4 na milyong piso isang araw matapos itong ilunsad.

Nauna na ring nag-alok ng 15 milyong pabuya ang AKO Bicol Partylist at 2 milyon naman mula sa LGU Albay para sa agarang pagkadakip ng mga suspek.

Samantala, sa kaugnay na balita ay na-relieved sa pwesto ang hepe ng Daraga Municipal Police na si Police Superintendent Benito Dipad Jr. makaraan ang insidente ng pagpatay kay Batocabe at sa Police Escort nito. Itinalaga si Police Superintendent Dennis Balla bilang acting chief of police ng nasabing bayan. Sa pagkakatalaga kay Balla ay inaasahan ng lahat ang mabilis na pagresolba ng Daraga Municipal Police sa kaso ng pagpatay kay Batocabe.

Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News