Disyembre 23, 2018, Daet, Camarines Norte. Matapos nga ang walang humpay na ulan ngayong araw ay tuluyan ng itinaas ng NDRRMC (National Disaster Risk Reduction Management Council) ang Red Rainfall Alert status sa lalawigan ng Camarines Norte ngayon lamang na alas kwatro ng hapon, Disyembre 23, 2018.

Matatandaan na kaninang umaga ay nauna ng idineklara ng nasabing ahensya ang Orange Rainfall Alert status sa mga lalawigan ng Albay, Sorosogon, at Camarines Norte matapos ang pagbuhos ng ulang aabot sa 15 hanggang 30 mm (millimeter) kada oras.

Sa pagtataas ng Red Alert status ay asahan ang patuloy na pagbuhos ng malalakas na pag ulan sa mga susunod na oras. Aabot sa mahigit 30 mm ng ulan ang bubuhos sa buong lalawigan na maaring magdulot ng pagbaha sa mga mababang lugar at pagguho naman ng lupa sa mga kabundukan.

Inaabisuhan ng ahensya ang mga residente na nakatira malapit sa mga calamity prone areas tulad ng tabing ilog, gilid ng kabundukan at mga low-lying areas na agad ng lumikas sa mas ligtas na lugar upang maiwasan ang anumang kapahamakan.

Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News