Nagtipon tipon sa unang pagkakataon ang mga miyembro ng Bicol Press Club sa isang Media Fellowship Night at Christmas Party na ginanap sa isang pribadong hotel sa Naga city.

Disyembre 23, 2018, Daet, Camarines Norte. Nagtipon-tipon sa unang pagkakataon ang mga miyembro ng Bicol Press club sa isinagawang Media Fellowship night at Christmas party sa isang pribadong hotel sa lungsod ng Naga, sabado ng gabi, Disyembre 22, 2018. Ang nasabing aktibidad ay inorganisa ng Bicol Press Club sa pakikipagtulungan na rin sa 9th infantry division ng Philippine Army sa kabikulan.

Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng mga brodkaster at mamamahayag mula sa iba’t ibang panig ng kabikulan tulad ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Sorsogon. Dumalo rin sa nasabing pagdiriwang sina Naga city Mayor John Bongat at ilan sa mga sikat na media personalities sa kabikulan. Bigo namang makarating ang delegasyon mula sa mga isla probinsya ng Catanduanes at Masbate bunsod ng mga malalaking alon sa dagat.

Si Naga city Mayor John Bongat habang nagbibigay ng kanyang mensahe sa mga miyembro ng Bicol Press Club.

Nabigyan ng pagkakataong magkakilala at makapag usap ang mga media man sa iba’t ibang panig ng kabikulan sa isang simpleng salo salong inihanda para sakanila.

Isang simpleng salo salo ang inihanda para sa mga media man sa kabikulan na sinundan ng mga games at raffle draw para sa ikasisiya ng mga ito. Layunin ng nasabing pagdiriwang ang pagkakaisa ng mga mamamahayag tungo sa mas magandang serbisyo publiko ng mga ito sa bayan.

Ang mga premyong nakahanda para sa mga maswerteng mabubunot sa raffle draw.

Si ABS-CBN Bicol News Anchor Rizza Mostar matapos mapanalunan ang bisikletang grand prize.

Samantala, panauhing pandangal naman sa selebrasyon si Philippine Army 9th Infantry Division Commander Major General Fernando T. Trinidad na kauupo pa lamang sa pwesto nitong mga nakaraang araw. Sa kanyang mensahe, sinabi nito sa harap ng mga mamamahayag ang kahalagahan ng media sa paghahatid ng mensahe ng kapayapaan sa mga komunidad.

Si Major General Fernando Trinidad habang ibinibigay ang kanyang mensahe sa selebrasyon.

Isa rin umano sa mga layunin ng Philippine Army ang palawakin ang information operation and campaign na kanilang mas lubos na mapagtatagumpayan sa tulong ng mga mamamahayag sa kabikulan. Sa pagtatapos ng kanyang mensahe ay nagpasalamat si Trinidad sa tulong ng pinaaabot ng media tungo sa ikatatagumpay ng kanilang mga operasyon.

Samantala, nakatakda pang magsagawa ang 9th ID ng iba’t ibang public relation at media engagement activities sa pakikipagtulungan na rin ng iba’t ibang mga media outlet sa kabikulan.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News