Disyembre 26, 2018, Daet, Camarines Norte.  Makalipas ang halos isang taon matapos itong maipanukala ay lusot na sa wakas ang House Bill 7049 o mas kilala sa tawag na  “Camarines Norte Surfing Capital of the Bicol Region Bill”  na naglalayong ideklara ang lalawigan ng Camarines Norte bilang isang tourist destination at “Surfing Capital of Bicol.”

Nito lamang Disyembre 20, 2018 ay pormal ng inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso partikular na ng House Committee on Tourism ang nasabing panukalang batas. Ang nasabing batas ay pinanukala ni Camarines Norte 2nd District Representative Marisol Panotes nitong buwan pa ng Enero ngunit ngayon lang naaprubahan ng nasabing komitiba ng Kongreso.

Sa ilalim ng House Bill 7049 ay inaatasan ang Department of Tourism na bigyang pansin ang development ng turismo sa probinsya partikular na ang Bagasbas beach sa bayan ng Daet. Nakasaad rin sa nasabing batas ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng DPWH at DENR upang magsagawa ng tourism development plan at mga pasilidad na makakatulong sa pag-angat ng turismo sa nabanggit na lugar.

Sa ngayon ay hinihintay na lang itong maaprubahan sa Senado upang mapirmahan ng Pangulo.  Oras na pormal ng maisabatas ay magdadala ito ng magandang epekto sa ekonomiya at turismo ng lalawigan bunsod na rin ng pagdami ng mga turista at mga surfers sa Bagasbas beach.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News