Ang pagbisita ni Pangulong Duterte sa burol ni Congressman Rodel Batocabe. Photo by Philippine Star

Disyembre 28, 2018, Daet, Camarines Norte. Pumalo na sa limampung (50) milyong piso ang halaga ng pabuya na iniaalok sa sinumang makakapagturo sa pumaslang kay AKO Bikol Partylist Representative Rodel Batocabe. Ito ay matapos dagdagan ng dalawampung (20) milyong piso ni Pangulong Duterte ang dati ng 30 million reward money makaraan ang pagbisita nito sa burol ng namayapang kongresista.

Ayon sa Pangulo, meron ng mga lead ang pulisya sa kung sino ang may kinalaman sa pagpaslang kay Batocabe ngunit sa ngayon ay ayaw niya pa itong sabihin. May posibilidad rin umano na “politically motivated” ang pagpatay bunsod ng pangunguna ni Batocabe sa survey sa mga tatakbong Mayor ng Daraga, Albay.

Matatandaan na isa sa mga dinadawit na pangalan sa kaso ng pagpatay kay Batocabe ay ang incumbent Mayor ng Daraga, Albay na si Carlwyn Baldo. Malakas din ang hinala ng pamilya Batocabe na hindi mga rebelde kundi isang malaking pangalan sa pulitika ang may kinalaman sa pagpaslang sa kanilang padre de pamilya.

Bagama’t may motibo, nilinaw ng PNP (Philippine National Police) na kailangan pa rin umanong mapatunayan na ang pagpatay ay tunay ngang “politically motivated. Nauna nang tiningnan ng PNP ang anggulong mga miyembro ng CPP-NPA ang pumatay sa kongresista ngunit ito ay tahasan namang itinanggi ng rebeldeng grupo.

Samantala, pwedeng ipagbigay alam sa mga sumusunod na numero ang anumang impormasyon na makakatulong sa pagresolba sa kaso ng pinaslang na si Batocabe.

Police Regional Office 5: 09205522008

CIDG 5: 09985988070

Daraga PNP: 09985985937 

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News