Disyembre 28, 2018, Daet, Camarines Norte. Inilabas na ng PNP Region 5 kanina lamang na hapon ang official sketch ng umano’y dalawa sa anim na suspek na itinuturong pumatay kay AKO Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe. Si Batocabe ay pinatay nitong ika-22 ng Disyembre matapos magsagawa ng gift giving sa Barangay Burgos, Daraga, Albay.

Ayon sa paglalarawan ng testigo, tinatayang mga nasa apatnapung (40) taong gulang na ang edad ng unang suspek at may taas na 5’6 hanggang 5’8. Maitim din ang balat nito, maliit ang pangangatawan at may mahabang peklat sa kanang pisngi. Huli itong nakita suot ang isang itim na round neck t-shirt at maong short pants. Sinasabi rin na ang unang suspek ay ang siyang nagmaneho ng motor na ginamit sa pagtakas sa krimen.

Computerized sketch ng unang suspek na umano’y nagmaneho ng motorsiklong ginamit sa pagtakas ng mga suspek sa pagpatay kay Batocabe.

Ang isang suspek naman ay tinatayang nasa edad trenta (30) anyos, may taas na 5’4 hanggang 5’6, malaki ang pangangatawan at may suot na light brown jacket at maong short pants.

Computerized sketch ng ikalawang suspek na tinukoy ng testigo sa kanyang paglalarawan.

Unti-unti nang nabibigyan ng linaw ang kaso ni Batocabe matapos magsalita ang ilan sa mga nakakita ng pangyayari sa lugar. Meron na rin umanong mga litratong nakuha ang PNP na maaaring makapagturo sa mga pumatay kay Batocabe. Sa ngayon ay meron ng lead o persons of interest ang pulisya ngunit hindi pa pwedeng ilabas sa publiko upang hindi umano mapurnada ang isinasagawang imbestigasyon.

Samantala, maaring ipagbigay alam sa mga sumusunod na numero ang anumang impromasyon na pwedeng makatulong sa paglutas ng krimen.

Police Regional Office 5: 09205522008

CIDG 5: 09985988070

Daraga PNP: 09985985937

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News