Disyembre 31, 2018, Daet, Camarines Norte. Pormal ng isinailalim ng Sangguniang Panlalawigan ng Camarines Norte ang buong probinsya sa ilalim ng State of Calamity makaraan nga ang pananalasa ni Tropical Depression Usman sa lalawigan. Ang bagyo ay nagdala ng halos apat na araw na walang humpay na pag ulan at nagdulot ng di pa malaman na pinsala sa buong Camarines Norte.

Sa espesyal na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan kaninang umaga, nagbigay ng ulat ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa lalawigan at tinalakay ang mga kaukulang batayan upang maideklara ang State of Calamity.

Ayon sa ulat ng PDRRMC (Provincial Disaster Risk Reduction Management Council) kaninang umaga, labing-dalawa (12) na ang naitalang patay bunsod nga ng pananalasa ng bagyo. Tatlo ang naitalang patay sa bayan ng Labo, lima sa bayan ng Jose Panganiban, at apat naman sa bayan ng Basud. 

Samantala, mahigit sa dalawang libong pamilya naman mula sa limampu’t tatlong (53) barangay ang inilikas sa limampu’t limang (55) evacuation centers sa buong lalawigan.

Nananatili namang unpassable ang karamihan sa mga pangunahing kalsada patungong kamaynilaan. Pinapayuhan ng DPWH (Department of Public Works and Highways) ang mga motorista mula sa bayan ng Daet na sa Rolando Andaya Highway na muna dumaan kung luluwas ng Maynila. Ayon pa sa ahensya, inaasahan na aabutin pa ng dalawang araw bago maisaayos ang mga daanan at maibalik sa normal ang mga sitwasyon dito.

Sa lagay naman ng agrikultura sa lalawigan, tinatayang nasa 1,303 ektarya ng palayan ang nasira bunsod ng malalakas na pag-ulan. Otsenta pursiyento (80%) ng mga palayan sa lalawigan ang naapektuhan at halos aabot sa ₱58,734,624 ang naitalang halaga ng pinsala.

Sa ulat naman ng CANORECO (Camarines Norte Electric Cooperative), sinabi ng ahensya na sa ngayon ay tanging mga bayan na lamang ng Sta. Elena at Capalonga ang hindi pa naibabalik ang suplay ng kuryente. Siniguro naman ng ahensya na maibabalik ang suplay sa mga nabanggit na lugar sa lalong madaling panahon.

Samantala, bagama’t maayos ang suplay ng tubig sa lalawigan ay pinayuhan ng CNWD (Camarines Norte Water District) ang mga mamamayan na pakuluan muna ang mga tubig mula sa kanilang mga gripo bago ito inumin bunsod na rin ng posibilidad na mapasukan ng mga dumi mula sa pagbaha ang pinanggagalingan ng tubig sa probinsya. Nakahanda rin umano ang mga service truck ng kanilang ahensya upang maghatid ng inuming tubig sa mga residente oras na kailanganin ang mga ito.

Pinuna naman ng mga bokal ng lalawigan ang ulat ng PDRRMC bunsod ng mga kulang-kulang na datos nito tungkol sa eksaktong bilang ng mga taong naapektuhan ng kalamidad. Kapuna-puna rin umano ang data presentation ng ahensya bunsod ng mga figures nito na maaaring magdulot ng kalituhan sa mga mamamayan. Bagama’t may mga ilang estimated data ang ahensya ay kinakailangan pa umano ang mas detalyadong report nito para na rin sa mga kaukulang aksyon na pwedeng isagawa ng pamahalaang panlalawigan tuwing oras ng kalamidad.

Bago magtapos ang sesyon ay sinabi naman ni Gobernador Edgardo Tallado na kinakailang magpaliwanag ang mga Pamahalaang Barangay partikular na ang mga may naitalang kaso ng casualty sa kanilang mga nasasakupan. Personal na naniniwala ang Gobernador na may pagkukulang ang mga ito kung kaya marami ang mga naitalang patay sa kanilang lugar.

Samantala, nakahanda naman ang mga sundalo’t kapulisan na rumesponde at ipatupad sa lalawigan ang mga naturang hakbang kaugnay nga ng pagkakadeklara ng Camarines Norte sa ilalim ng State of Calamity. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagkalap ng mga datos ng mga ahensya de gobyerno upang alamin ang lawak ng pinsala na tinamo ng probinsya.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News