Enero 13, 2019, Daet, Camarines Norte. Ang pagpatak ng alas dose ng madaling araw kanina (Enero 13, 2019) ay ang siyang naging hudyat ng pagsisimula ng COMELEC (Commission on Elections) Election period. Kaugnay niyan ay asahan na natin ang kaliwa’t kanang checkpoint sa mga pangunahing lansangan sa buong bansa, ngunit, ano nga ba ang mga dapat nating tandaan kung tayo ay haharap sa isang checkpoint? Alamin ang mga teknikalidad at inyong karapatan sa oras na kayo ay nasa checkpoint.

  1. Ang tunay na Checkpoint ay mayroon dapat na mga unipormadong pulis at opisyal na Patrol car sa maliwanag na lugar. 
  2. Huminto sa Checkpoint, hinaan ang headlight, buksan ang ilaw sa loob ng sasakyan at buksan ng kalahati lang ang inyong bintana.
  3. Huwag bumaba sa sasakyan.
  4. I-lock ang lahat ng pinto ng inyong sasakyan, visual search” lang ang pweding gawin. Hindi pwedeng lumagpas ang kamay ng Pulis o ano mang bahagi ng katawan nito sa loob ng inyong sasakyan.
  5. Hindi kailangang buksan ang glove compartment, trunk sa likod ng inyong sasakyan, o buksan ang mga bag sa loob ng inyong sasakyan.
  6. Huwag mag PAKAPKAP sa Pulis.
  7. Sumagot ng tama. Isang tanong, isang sagot lang.
  8. Ihanda ang rehistro at inyong lisensya. Maghanda rin ng ng Photocopy ng mga dokumento.
  9. Laging ihanda ang inyong telepono, pantawag at pangkuha ng video kung kinakailangan.
  10. I-report ang mga lumalabag at abusadong Pulis.

Maaring ireport sa pinakamalapit na istasyon ng pulis ang anumang paglabag sa inyong karapatan sa oras na isinasagawa ang Checkpoint. Samantala, sa pagsisimula ng election period ay ipinagbabawal rin ang pagbabago o pagtatalaga ng isang voting precint, paglilipat ng mga opisyal at empleyado sa civil service, pagdadala ng mga armas o baril ng walang pahintulot mula sa COMELEC, paggamit ng mga security personnel/bodyguard ng mga kandidato na hindi otorisado ng COMELEC, pagbuo ng mga reaction at strike forces, at pagsuspinde sa mga hinalal na lokal na opisyal.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News