Enero 13, 2019, Daet, Camarines Norte. Hindi napigilan ng masamang panahon kaninang umaga ang pagsasagawa ng Unity Walk para sa paparating na 2019 Midterm Elections sa lalawigan ng Camarines Norte. Layunin ng nasabing aktibidad ang hilingin sa bawat sektor ng lipunan, lalo na sa mga kandidato, na siguraduhing mapayapa at patas ang pagsasagawa ng halalan sa buwan ng Mayo.

 

  

Dumalo sa nasabing Unity Walk ang mga kandidato para sa Provincial at Municipal elections, mga personahe ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng COMELEC (Commission of Elections), PNP (Philippine National Police), Philippine Army, BJMP (Bureau of Jail Management and Penology), BFP (Bureau of Fire Protection), DILG (Department of Interior and Local Government), DEPED (Department of Education), Brgy Officials mula sa bayan ng Daet, mga estudyante at NGO’s (Non-Governmental Organizations).

 

Ang Unity Walk ay nagsimula sa Camarines Norte Freedom Park at nagtapos sa Eco Athletic Field sa bayan ng Daet. Pagkatapos ng Unity walk ay tampok rin ang sama-samang pagdarasal, panunumpa at Peace Covenant Signing tungo sa mapayapang pagdaraos ng halalan. Ang nasabing aktibidad rin ang hudyat ng pagsisimula ng Election Period sa buong bansa.

 

*photos from NUP Nelson Pontevedra and Maria Eliza Llovit

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News