Si Senador JV Ejercito habang kapanayam ang media sa lalawigan ng Camarines Norte.

Pebrero 5, 2019, Daet, Camarines Norte. Personal na binisita ni Senador JV Ejercito ang lalawigan ng Camarines Norte nitong nakaraang Pebrero 2, 2019 upang ibahagi sa mga mamamayan ang kanyang mga nais pang gawin sa Senado oras na mapagkalooban pa ng isang termino sa darating na halalan.

Nauna ng naimbitahan sa lalawigan ang Senador upang dumalo sa induction ceremony ng JCI Daet bilang panauhing pandangal ng nasabing okasyon. Kaugnay ng kanyang pagbisita sa lalawigan ay di naiwasan ni Ejercito na ibida ang kanyang mga nagawa bilang isang Senador ng bansa.

Sa pakikipagpanayam nito sa mga miyembro ng media sa lalawigan, masiglang ibinihagi ni Ejercito ang pagkakapasa sa Senado ng Universal Healthcare Act na naglalayong magbigay pa ng mas malawak na kalingang pangkalusugan sa lahat ng Pilipino. Binanggit pa ng Senador kung paano ito makakaapekto sa mga lalawigan partikular sa Camarines Norte.

Sa pamamagitan ng Universal Healthcare Act, palalawakin ang sakop ng National Health Insurance sa pamamagitan ng PhilHealth. Target ng nasabing batas na madala sa lahat ng mga mamamayan partikular na sa mga mahihirap ang benepisyong hatid ng health insurance.

Ayon pa sa Senador, gagawin na rin umanong libre ang primary care, check-ups at maging ang mga laboratory tests oras na mapirmahan na ng Pangulo ang nasabing panukalang batas. Ipinaglaban rin niya aniya ang mas malaking pondo ng DOH (Department of Health) sa National Budget para na rin sa development at expansion ng mga healthcare services sa bansa.

Inaasahan na sa lalong madaling panahon ay mararanasan na umano ng ating mga kababayan ang benepisyong hatid ng Universal Healthcare Act.

Bukod sa kanyang mga nagawa ay ibinahagi rin ni Ejercito ang kanyang mga nais pang gawin sa Senado. Patuloy umano niyang isususulong ang modernisasyon ng transportasyon sa bansa, partikular ang pagsasaayos ng mga kalsada, paliparan, at maging ang paglunsad sa National Railway System ng Pilipinas.

Binanggit ng Senador na isang mahalagang parte sa development ng bansa ang railway system nito. Mas magigi umanong mabilis ang transportasyon na siyang magiging resulta ng mas mababang presyo sa mga bilihin. Lubha rin umanong lalago ang turismo sa iba’t ibang panig ng bansa oras na maisaayos ang transportasyon dito.

Sa pagtatapos ng kanyang pakikipagpanayam ay pinasalamatan ni Ejercito ang mga mamamayan ng Camarines Norte dahil sa tuloy tuloy na suportang kanyang natatanggap sa mga ito. Inaasahan umano niya ang patuloy na magiging suporta ng mga Cam Norteno sa kanyang mga adhikain sa Senado partikular na sa mga proyektong pangkalusugan, imprastraktura at transportasyon. Si Ejercito ang kasalukuyang Chairman ng Committee on Health and Demography, at Committee on Urban Planning, Housing, and Resettlement sa Senado at kasalukuyang tumatakbo sa pareho ring posisyon ngayong 2019 midterm elections.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte