Pebrero 6, 2019, Daet, Camarines Norte. Inaresto ang isang sekyu sa bayan ng Labo, Camarines Norte matapos itong mahuling nagdadala ng hindi lisensyadong baril sa Purok 2, Barangay Tigbinan ng nasabing bayan mga dakong alas tres y media (3:30 pm) ng hapon nito lamang na ika-4 ng Pebrero 2019. 

Kinilala ang suspek na si Ronaldo Balictar, tatlumpu’t walong (38) taong gulang, isang security guard, at residente ng nasabing barangay.

Ayon sa report ng pulisya, naaresto ang suspek habang patungo sa F. Caudilla Elementary School upang mag-duty bilang guwardiya sa nasabing paaralan. Bukod sa nakadamit sibilyan ay wala pang mga kaukulang dokumentong naipakita ang suspek sa baril na dala dala nito kung kaya’t ito’y agad na inaresto ng pulisya.

Nakumpiska kay Balictar ang isang kalibre trenta y otso (38) na baril at anim na bala para rito. Kahaharapin ng suspek ang kasong Illegal Possession of Firearms o paglabag sa Republic Act 10591. Sa ngayon, nasa kustodiya na ng mga otoridad ang nasabing suspek para sa mga kaukulan pang disposisyon.

Samantala, nagpapatuloy naman ang election gun ban sa buong bansa na nagbabawal sa mga mamamayan na magdala ng mga baril ng walang kaukulang special permit galing sa pulisya.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News