Ang mga guro at mga mag-aaral kasama si Cong. Alfredo A. Garbin, Jr. ng Ako Bikol Partylist sa isinagawang pamamahagi ng ibat-ibang aklat sa paaralan ng Jose Panganiban National High School. (photo credit from Raymond Prado/Ako Bikol Partylist)

Pebrero 9, 2019, Daet, Camarines Norte. Umaabot sa 1,000 ibat-ibang aklat ang ipinamahagi ng Ako Bikol Partylist para sa mga mag-aaral sa sekondarya ng mga pampublikong paaralan sa bayan ng Jose Panganiban kamakailan. Pinangunahan ito ni Congressman Alfredo A. Garbin, Jr. ng Ako Bikol sa pamamagitan ng kanilang programang “Tabang sa Edukasyon, Aklat sa Kaunlaran ng Bicol”.

Ayon kay Garbin, ang modernong teknolohiya na ginamit ngayon ay upang makalikom ng kaalaman, kaya ang paggamit ng mga mahusay na kalidad na mga aklat ay mahalaga para sa kolektibong paglago ng batang henerasyon.

Kabilang sa mga paaralan na tumanggap ng mga aklat ay ang Larap National High School (LNHS), Sta. Cruz National High School (SCNHS), Jose Panganiban National High School (JPNHS) at ang Gawad Kalinga (GK). Kasama ring tumanggap ang Batobalani National High School (BNHS) at Paracale National High School (PNHS).

Ang mga aklat na ipinamahagi ay tungkol sa karunungang sining at musika, panitikan ganundin ang mga aklat sa agham, matematika at ingles. Maliban pa dito ay una na ring tumanggap ang mga paaralan sa bayan ng Daet na kinabibilangan ng Moreno Integrated School (MIS), Alawihao National High School (ANHS), at Camarines Norte National High School (CNNHS).

Ang Pambuhan National High School (PNHS), Lalawigan National High School, Manguisoc National High School (MNHS) at Don Pablo National High School (DPNHS) sa bayan ng Mercedes ay tumanggap rin ng ibat-ibang aklat.

Ang pamamahagi ng mga aklat ay programa ng Ako Bicol Partylist sa pakikipag-tulungan ng Children International, Inc., ay naglalayong mas pagtibayin ang kalidad ng edukasyon sa bansa at mabigyan ang bawat bata ng pag-asang magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News