Pebrero 9, 2019, Daet, Camarines Norte. Hindi bababa sa 62,000 pisong halaga ng mga gamit ang natangay ng mga di pa nakikilalang suspek sa isang insidente ng pagnanakaw na naganap kaninang alas-tres ng madaling araw sa Salvacion (B) Elementary School, Barangay Daculang Bolo, San Lorenzo Ruiz, Camarines Norte. 

Ayon sa salaysay ni Mercy Salagoste, ang Officer In Charge ng nasabing paaralan, nadiskubre na lamang nilang tinanggal ng mga suspek ang grills at jalousy window ng isa sa kanilang mga silid na siyang naging daan ng mga ito upang makapasok at matangay ang mga gamit sa loob.

Natangay ng mga suspek ang dalawang 40 inch flat screen TV, isang 32 inch flat screen TV, dalawang stand fan, isang amplifier speaker, tatlong set ng microphone, isang computer speaker at ilang mga paninda sa canteen. 

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga pulisya kung sino ang mga responsable sa nasabing pangyayari matapos ang mga itong mabilis na makatakas pagkatapos ng pagnanakaw.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News