Pebrero 11, 2019, Daet, Camarines Norte. Patay ang isang hinihinalang tulak ng droga matapos umano itong manlaban sa kapulisan dakong mga 9:45 kagabi sa Purok 6, Barangay Bagumbayan, Paracale, Camarines Norte. Kinilala ang napatay na suspek na si Tetsuo Arfiesa Suda, 31 taong gulang, residente ng Barangay Mambalite sa bayan naman ng Daet.

Ayon sa report ng pulis, nagsagawa ang mga otoridad ng isang buy-bust operation upang madakip ang nabanggit na suspek. Nang mahalata umano nito na pulis ang kanyang katransaksyon, bigla itong bumunot ng kalibre 38 na revolver at agad na pinaputukan ang nasabing operatiba ngunit ito umano ay sumablay.

Agad na gumanti ng putok ang pulis na siyang nagresulta sa pagkakatama ng bala sa katawan ng suspek. Sinubukan pang dalhin sa Labo Talobatib District Hospital ang nasabing suspek ngunit idineklara na itong dead on arrival. 

Narekober sa suspek ang 13 sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu, isang sachet na umano’y naglalaman ng marijuana, isang kalibre 38 na baril, limang pirasong aluminum foil, at isang cellphone na umano’y gamit nito sa transaksyon.

 

Blaise Henry E. Ilan

Camarines Norte News