Pebrero 13, 2019, Daet, Camarines Norte. Isinagawa sa lalawigan ng Camarines Norte ang lakad para sa kapayapaan sa pamamagitan ng Unity Walk na may temang “Lakad Tungo sa Kapayapaan Iwaksi ang Karahasan” noong ika-10 ng Pebrero ngayong taon.

Pinangunahan ito ng Camarines Norte Police Provincial Office (CNPPO) sa pamumuno ni Provincial Director PPSupt. Godfredo K. Tul-o. Nagsimula ang lakad para sa kapayapaan sa Eco Athlectic Field sa bayan ng Daet at nagtapos sa Kalayaan Park ng kapitolyo probinsiya kung saan ginanap ang isang maikling programa.

 

Ayon kay PPSupt. Tul-o, ang unity walk ay pagkondena sa nangyaring insidente ng pambobomba kamakailan sa Jolo, Sulu. Aniya, maliban pa sa gawain ay nagkaroon ng manifesto signing kung saan ang lahat ng nakiisa ay nangako at nilagdaan ang panata ng katapatan na bilang isang Pilipino ay ipapangako nila na susuportahan ang kapayapaan sa lahat ng posibleng paraan.

Dagdag pa niya, dapat itaguyod ang isang kultura ng walang karahasan upang magbigay ng kontribusyon sa pagbuo ng isang progresibong bansa. Isinagawa rin ang taimtim na panalangin ng pananampalataya at pagpapakawala ng mga puting kalapati bilang simbolo ng kapayapaan.

Kabilang rin sa mga nakiisa sa gawain ay ang Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Army (PA), religious leaders, Muslim community, non-government organizations (NGOs), mga opisyal ng barangay, government organizations at mga mag-aaral mula sa ibat-ibang paaralan.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News