Pebrero 23, 2019, Daet, Camarines Norte. Naabutan ng mga otoridad na duguan at nakadapa sa isang nitso sa loob ng mosuleyo ang isang lalaki na nakilalang si Eduardo buenaagusa, 51 taong gulang residente ng Barangay Poblacion, Talisay, Camarines Norte. Ito ay matapos ipagbigay alam ng isang barangay tanod sa mga otoridad ang nasabing insidente matapos umano niyang makita ang biktima sa Old cemetery, Barangay Sto. Nino sa natura ding bayan.

Ayon sa salaysay ng tanod, bago pa nangyari ang insidente ay may nakita umano siyang motorsiklong pumasok sa loob ng sementeryo na may plakang 5180 sakay ang isang hindi pa nakikilalang lalake. Pagkatapos nito ay bigla na lang umanong umalingawngaw ang apat na putok ng baril sa nasabing sementeryo. Dito na niya nakita ang duguang bangkay ng biktima habang nakapatong sa isang nitso.

Nagtamo ang biktima ng isang tama ng bala sa kaliwang dibdib at apat na tama naman sa tiyan na siya nitong agad na ikinasawi. Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang limang basyo ng bala galing sa isang 9mm kalibreng baril.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pangyayari at patuloy pang inaalam ang motibo sa nasabing krimen. Si Buenaagua ay kalalaya lamang mula sa piitan bago mangyari ang nasabing karumal dumal na krimen.

 

Orlando Encinares

Camarines Norte News