Disclaimer: The views and opinions expressed by the writer in this article do not reflect the official stand of Camarines Norte News in any issues. 

Tuloy ang laban ng EDSA by Blaise Henry E. Ilan

Pebrero 25, 2019, Daet, Camarines Norte. Isa sa mga natatandaan kong lecture ng aking propesor noong ako ay nasa kolehiyo pa ay ang kanyang lecture tungkol sa mga factors na nakakaapekto sa kasaysayan. Kasaysayan, ano nga ba ang nakakaapekto rito? Ayon kay Prof. Gerard Lawenko ng Bicol University, ang kasaysayan ay naapektuhan ng tatlong factors, ang Time, Place, at People. 

Sa aking pagkakatanda mula sa sinabi noon ng aking history professor, ang nasabing mga factors ang siyang pangunahing nag-iimpluwensya sa guhit ng kasaysayan sa kahit saan mang panig ng mundo. Ang Time ay tumtukoy sa kung kailan nangyari ang isang kasaysayan, ang Place ay tumutukoy sa kung saan ito nangyari at ang People naman ay tumutukoy sa mga tao/karakter na kabilang rito. Matapos niya itong sabihin, nagbitaw siya ng tanong sa aming lahat, “does history repeats itself?” Natahimik ang buong silid sa tanong na binitawan ng aming propesor.

Pagdaka ay isang estudyante ang naglakas loob na sumagot, hindi ko na matandaan kung sino pero sariwa pa sa aking isipan ang kanyang naging sagot, maaring hindi ito ang eksakto niyang pahayag pero ito ang kanyang punto: “yes sir, history repeats itself dahil madalas nating mabalitaan na ilan sa mga pangyayari sa kasaysayan ay naulit lamang, isa na rito ay ang EDSA People Power Revolution na nagkaroon pa ng ikalawang bersyon noong panahon ni Erap at ikatlo naman noong panahon ni Arroyo”.

Ngumiti ang aming propesor, sabay sipsip sa straw ng kanyang hawak na bote ng softdrinks, “mali, history doesn’t repeat itself, ang EDSA I, EDSA II, at EDSA III ay tatlong magkakaibang pangyayari sa kasaysayan. Ang isa ay nagpatalsik kay Marcos, ang isa kay Erap, at ang isa naman ay sumubok na pababain si Arroyo. Pansinin ninyo ang Time, Place, at People sa mga nasabing pangyayari. Posibleng magkapareho ang Place na pinangyarihan ng mga rebolusyong ito, posible rin na parehong mga tao o karakter ang nanguna sa EDSA I, II at III, pero magkakaiba ang oras kung kailan ito nangyari. Therefore, we can conclude that history doesn’t repeat itself, but indeed, PEOPLE REPEAT HISTORY.” Ang silid ay muling nabalot ng katahimikan dahil sa sinabi ng propesor. Isang katotohanan na hindi matatakasan, ang katotohanan na inuulit ng tao ang kasaysayan.

Sa makailang beses ay ipinaglaban ng Pilipino ang kanyang pagnanais na maging malaya mula sa mga gustong yumurak sa demokratikong ideolohiya na noon pa ay nabubuhay na sa ating bansa. Ang pakikipaglaban ng pwersa ni Lapu-Lapu sa mapaniil na bandera ng Espanya na dala dala ni Magellan ay ang isa sa mga pinakaunang naitalang tanda ng pagnanais ng Pilipino na maging malaya. Sino ang makakalimot sa makailang beses na pagdanak ng dugo ng mga Pilipino noong panahon ng kastila? Na sa ngalan ng kalayaan ay kanilang nagawang tiisin ang sakit at pagpapahirap ng mga dayuhan, matamo lamang ang inaasam asam na kalayaan.

Ang matapang na pakikibaka nina Heneral Luna laban sa mga mas modernong armas at taktika ng mga Amerikano ay isang desperado ngunit makabuluhang laban para sa kasarinlan. Ang pagkubkob ng mga hapones sa mga bayan ng Pilipinas at kung pano ito isa-isang inagaw ng mga gerilya ay tanda na sa huli’y mananaig ang pusong ang tanging nais ay maging malaya.

Sino ang makakalimot sa EDSA I? Sino ang makakalimot sa isang mapayapang rebolusyon na nagpatalsik sa isang Pilipinong diktador na nais pagsamantalahan ang kanyang kapwa Pilipino? Ano naman kaya ang EDSA II na nagpababa sa isang mandarambong at kurakot na pamamahala ni Estrada? O kaya ang EDSA III na bagama’t hindi nagtagumpay na pababain si Arroyo ay nag-iwan ng mensaheng ang tao’y sawa na sa bulok na sistema, sa kanyang pandaraya at pagkamal ng buwis ng taong bayan?  Sino ang makakalimot? Marahil marami.

Ang tao’y sadyang madaling makalimot, kung kaya’t andyan ang kasaysayan upang ipaalala sakanya ang nakalipas. Ika-nga’y isang diary na magpapaalala ng kanyang pagkakamali, pagkabigo at maging kanyang mga naging tagumpay. Ang EDSA revolution ay tagumpay ng masang Pilipino!

Ito ay isang tanda kung paano inuulit ng tao ang kasaysayan. Malinaw na nakasulat sa mga pahina ng libro kung paano nagkakaisa ang taumbayan laban sa isang mapang-abusong pamamahala. Ito ay isang babala sa mga nais maging diktador at umabuso sa kanyang kapangniyarihan na sa ating bansa ay walang ibang mananaig kundi ang kapangniyarihan ng mga Pilipino. Walang pamilya, bansa o kahit sino pa mang indibidwal ang maaring gumapi sa kalayaan na matagal niyang pinaghirapan. Marami na ang nagbuwis ng buhay, at marami ang patuloy pang magbubuwis alang alang sa demokrasya ng ating bansa. Hindi ka naniniwala? Matuto ka sa aral ng kasaysayan. People repeat history.

Hangga’t may mapang-abuso, hanggat may mandarambong, hangga’t may mga taong hindi karapat dapat na manatili sa gobyerno, ang kasaysayan ay patuloy na mauulit. Tuloy ang laban ng EDSA!