Marso 9, 2019, Daet, Camarines Norte. Isinagawa sa lalawigan ng Camarines Norte ang pagpaplano para sa pagiging handa sa kalamidad sa pamamagitan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Plan Enhancement Workshop para sa taong 2019 hanggang 2024.

Ito ay ginawa sa loob ng tatlong araw sa pangunguna ng PDRRMO (Provincial Disaster Risk Reduction Management Office) ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Center for Disaster Preparedness (CDP) sa Sanayang Pangkaligtasan sa Sitio Mat-I ng barangay Sto. Domingo ng bayan ng Vinzons noong Marso 5 hanggang Marso 8 ngayong taon.

Ayon kay Neil Dianela, chief ng Capacity Building Training Service ng Office of the Civil Defense sa rehiyong bikol, ang naturang gawain ay para sa pag-update ng plano ganundin ang kapakinabangan ng pamahalaang panlalawigan lalo na paghahanda sa kalamidad. Aniya, batay ito sa ipinatutupad ng Republic Act 10121 na ang lahat ng opisyal ng LDDRM ay bumalangkas o makaapruba ng kanilang mga plano na kung saan ay dito rin nakapaloob ang mga ibat-ibang programa at proyekto na gagawin na magiging road map ng lalawigan.

Ayon pa rin kay Dianela, ang output na ginagawang updated ng PDRRM plan ay dapat maging komprehensibo at naaangkop sa lahat ng sektor. Kabilang sa mga dumalo ang mga ahensiya ng pamahalan mula sa lokal at pamahalaan nasyunal na may kaugnayan sa kalamidad ganundin ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng bawat bayan.

Layunin ng naturang gawain ang makilala at pag-aralan ang mga kalakasan at kahinaan sa kapaligiran gayundin ang mga pagkakataon at mga hamon na nahaharap ang lalawigan ng Camarines Norte sa pamamahala ng mga panganib sa kalamidad, klima at pagtugon sa mga puwang sa kasalukuyang plano ng PDRRM Plan.

Ang pagsasagawa ng pagpaplano ay pagsisikap na gawin ng ibat-ibang mga stakeholders ng lalawigan upang repasuhin at i-update ang lokalidad ng LDRRMP batay sa kanilang kaalaman, karanasan, mga pag-aaral at mga kasalukuyang plano ng lokal na pamahalaan.

 

Reyjun Villamonte

Camarines Norte News